Isang award-winning actor ang ipinatatawag sa Land Transportation Office (LTO) dahil nakapangalan sa kanya ang supercar na nahuling gumagamit ng fake plate number.
Napag-alamang ibinenta ng award-winning actor sa isang vlogger ang mamahaling sasakyan, pero hindi pa ito naililipat sa pangalan ng bumili.
Iniimbestigahan ngayon ng LTO ang dapat managot sa paggamit ng pekeng plaka.
Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa pagkakasangkot ng award-winning actor dahil sa pahayag na inilabas ng LTO sa official Facebook page nito ngayong Biyernes, Agosto 14, 2026.
Nakasaad sa pahayag ng LTO na ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na bigyan ng show cause order ang aktor.
Ang show cause order ay isang legal na utos mula sa korte o ahensiya ng gobyerno na nag-aatas sa isang tao o grupo na magpaliwanag, sa pamamagitan ng nakasulat na paliwanag o personal na pagharap, kung bakit hindi dapat ipataw sa kanila ang isang partikular na parusa, sanction, o legal na aksiyon.
Layunin nitong protektahan ang karapatan sa due process sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa inaakusahan na ipagtanggol ang sarili at maipaliwanag ang kanilang panig bago ipatupad ang nasabing parusa o aksiyon.
Read: Julius Babao takes down Jeremiah Rosales interview at Jericho’s request
LTO STATEMENT
Narito ang kabuuan ng pahayag ng LTO:
“Sa direktiba ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) ang rehistradong may-ari at itinalagang drayber ng isang supercar matapos matukoy na gumagamit ito ng pekeng plaka habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada.
“Sa isinagawang beripikasyon ng LTO, natukoy na ang plate number na ginagamit ng naturang sasakyan ay may ibang alphanumeric combination kumpara sa orihinal na motor vehicle license plate number na nakatalaga rito.
“Kaugnay nito, inatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang drayber na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng beripikado o sinumpaang paliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa Use of Number Plates, gayundin upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
“Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng itinalagang drayber at inatasang isuko ito sa IID. Ang naturang supercar ay inilagay rin sa alarm status, at inatasan ang Law Enforcement Service (LES) na ipatupad ang pag-impound sa nasabing sasakyan."
Dagdag pa ng ahensiya: “Walang VIP sa pagpapatupad ng batas. Kahit sino pa ang sangkot, kapag napatunayang lumabag, haharap sa kaukulang pananagutan.
"Hindi magdadalawang-isip ang LTO na kumilos laban sa sinumang lalabag sa ating mga patakaran. Walang palakasan, walang palusot, at walang exemption.
"Ang paggamit ng pekeng plaka at pag-iwas sa mga obligasyong dapat tuparin ay hindi pinapalampas ng LTO,”ang pahayag ni Asec. Lacanilao.
“Patuloy na pinaaalalahanan ng LTO ang lahat ng motorista at rehistradong may-ari na tiyaking lehitimo ang kanilang mga dokumento, plaka, at rehistrasyon at tuparin ang lahat ng kaukulang obligasyon bago gamitin ang kanilang mga sasakyan sa pampublikong kalsada.
"Hindi magiging dahilan ang katayuan, pangalan, o halaga ng sasakyan upang makaiwas sa pagpapatupad ng mga patakaran.
“Tinitiyak ng LTO na mahigpit nitong susuriin at aaksyunan ang mga paglabag upang mapanatili ang integridad ng sistema ng pagpaparehistro ng mga sasakyan at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag.”
Read: Tuesday Vargas "deeply hurt" by Eva Le Queen’s DMs, mulls legal action