Nagtungo sa Land Transportation Office (LTO) ang aktor na si Derek Ramsay at ang kaibigan niyang businessman na si AJ Violago noong Lunes, Agosto 17, 2026, upang humarap sa imbestigasyon tungkol sa isang Porsche 918 Spyder na nahuling gumagamit ng pekeng plaka.
Si Violago ang presidente at CEO ng San Lorenzo Ruiz Builders and Developers Group. Ang mga letra sa umano’y pekeng plaka ay tumutukoy sa kanyang initials.
Samantala, lumutang ang pangalan ni Derek bilang registered owner ng supercar.
Ngunit nilinaw ng aktor na wala siyang kinalaman sa paggamit ng pekeng plaka.
DEREK RAMSAY: "I DO NOT DRIVE ANY CARS WITH FAKE PLATES."
Noong Agosto 16, isang araw bago ang pagharap nila sa LTO, naglabas si Derek ng pahayag sa pamamagitan ng Instagram Story.
Mariin niyang itinanggi na nagmamaneho siya ng sasakyang may pekeng plaka.
“I do not drive any cars with fake plates. All my vehicles have proper plates.”
Humingi rin siya ng paumanhin sa LTO kaugnay ng nangyari.
Mensahe ni Derek: “To the LTO I apologize for what is going on. Driving with fake plates is wrong and should never be tolerated.”
Read: Award-winning actor faces LTO probe over supercar’s fake plate
DEREK, VIOLAGO FACE LTO
Noong Agosto 17, personal na nagtungo sa LTO sina Derek at Violago upang tumugon sa show cause order na inilabas ng ahensya.
Sa press conference noong Martes, Agosto 18, inilahad ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang naging pagharap ng dalawa sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Lacanilao, boluntaryong isinuko sa LTO ang Porsche 918 Spyder na nakapangalan kay Derek.
Kasama rin sa isinuko ang driver's license ni Violago, na siyang nagmamaneho ng sasakyan nang mahuli ito.
“In good faith naman yung registered owner para maimbestigahan mabuti yung mga pangyayari,” sabi ng LTO official.
Nilinaw ni Lacanilao na magpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung paano napunta sa sasakyan ang plaka na hindi inisyu ng LTO.
Aniya, “Kailangang makita natin kung bakit nagkaroon ng ibang plaka na hindi galing sa LTO at bakit yon ang inilagay nila.”
Ayon pa sa opisyal, nagbigay rin ng paliwanag si Violago at humingi ng dispensa kaugnay ng paggamit ng naturang plaka.
“Humingi siya ng dispensa at inamin niyang kasalanan niya.”
Gayunman, sinabi ni Lacanilao na kailangan pa ring matapos ang imbestigasyon bago matukoy ang kabuuang pananagutan sa insidente.
Read: Actor-pastor Edward Barber reveals he’s now engaged
LTO WARNS PUBLIC VS. FAKE PLATES
Ginamit din ni Lacanilao ang insidente upang muling paalalahanan ang publiko tungkol sa paggamit ng improvised o pekeng vehicle plates.
Ayon sa kanya, nagiging rampant ang pagbebenta ng mga improvised plate online, partikular sa social media.
May mga nag-aalok umano ng mga plakang ginagaya ang opisyal na LTO plates.
Mas nakababahala, aniya, na may mga produktong halos eksaktong ginagaya ang government-issued plates, kabilang ang kanilang QR code.
“Wala po kaming binibigyan ng authorization na gumawa po ng mga improvised na plaka na ginagaya ang plaka ng LTO o ng issue po ng gobyerno,” saad ni Lacanilao.
Sinabi rin ni Lacanilao na naglabas na siya ng memorandum na nagbabawal sa paggamit ng improvised plates na ginagaya ang opisyal na plaka ng gobyerno.
“Bawal po yon.”
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng LTO sa Porsche 918 Spyder upang matukoy kung paano at bakit ito gumamit ng plaka na hindi inisyu ng ahensya.
Read: Cinemalaya 2026: Pokwang and Ruby Ruiz tie for Best Actress, Martin del Rosario wins Best Actor