Winakasan na ng veteran talent manager na si Shirley Kuan ang manager-talent relationship nila ng A-list actress na si Bea Alonzo noong Agosto 11, 2026.
Pero nalaman lamang ng publiko ang desisyon niya ngayong Linggo, Agosto 23 — isang impormasyong pinaghihinalaang nanggaling sa kampo ng aktres.
Si Shirley ang manager nina Helen Gamboa, Albert Martinez, Hilda Koronel, Donna Cruz, Agot Isidro, at Andrea Brillantes.
Noong July 2020, lumapit at nakipag-ugnayan si Bea kay Shirley para ito ang mamahala sa kanyang showbiz career.
Ito ay matapos magpaalam ng aktres sa Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN na nag-alaga sa kanya sa matagal na panahon.
Sa tulong Shirley, nagkaroon ng sunud-sunod na product endorsements at mga programa sa GMA-7 si Bea mula noong 2020 hanggang sa kasalukuyan.
Makalipas ang anim na taon, natapos na ang relasyon ng dalawa bilang manager-talent nang magbitiw si Shirley bilang manager ni Bea.
WHAT CAUSED THE SPLIT?
Ayon sa mga usap-usapan, ang hindi umano pagtatanggol ni Bea kay Shirley ang isa sa mga dahilan ng desisyon ng veteran talent manager na bitawan ang pamamahala sa showbiz career ng 37-year-old actress.
Si Shirley ang sinisi ng ilang news outlets at netizens sa hindi natuloy na pagpapakasal sa Spain ni Bea at ng businessman na si Vincent Co noong Mayo 2026.
Nakasaad sa ulat ng isang news outlet noong Mayo 11, 2026, bukod sa usapin tungkol sa prenuptial agreement, may partisipasyon daw si Shirley kaya hindi matutuloy ang pag-iisang dibdib nina Bea at Vincent sa Spain.
Natatakot umano ang talent manager na mawala ang kanyang "cash cow."
Si Shirley rin ang pinagbintangang naglalabas ng mga impormasyon tungkol sa kontrobersiyal na isyu ng prenuptial agreement at sa mga paghahanda sa pagpapakasal nina Bea at Vincent.
Read: Shirley Kuan, Alan German dragged into Bea-Vincent wedding issue
Lumaki ang isyu at naging usap-usapan pa sa Filipino-Chinese business community na malaki umano ang kinalaman ni Shirley sa naudlot na pagpapakasal nina Bea at Vincent.
Sa gitna ng mga ito, nanatiling tahimik si Bea kahit alam umano nitong walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanyang manager.
Natuloy ang pag-iisang dibdib ng dalawa nang piliin nila ang isang civil wedding na naganap sa opisina ni Makati City Mayor Nancy Binay noong Hulyo 13, 2026.
May mga sumunod pa umanong insidente na naging mitsa para tuluyan nang bitawan ni Shirley ang pamamahala sa showbiz career ni Bea.
THE TIMES SHIRLEY REFUSED TO GRANT INTERVIEWS ABOUT BEA-VINCENT WEDDING
Ilang beses sinubukan noon ng Cabinet Files na kunin ng pahayag si Shirley tungkol sa planong pagpapakasal nina Bea at Vincent, pati na sa kanilang hindi natuloy na Spain wedding.
Ngunit tumangging magsalita ang talent manager.
“Wala akong alam,” reaksiyon ni Shirley nang makipag-ugnayan sa kanya ang Cabinet Files nang pumutok ang balitang magpapakasal sina Bea at Vincent matapos inanunsiyo ng isang pari ng St. Peter the Apostle Parish Church sa Paco, Manila, ang marriage bans ng dalawa, noong Marso 2026.
“Wala akong alam" muli ang sagot ni Shirley nang tanungin siya ng Cabinet Files tungkol sa balak na pagpapakasal nina Bea at Vincent sa Spain.
Nang mapurnada ito, hindi na siya tinawagan ng Cabinet Files dahil inaasahan naming “Wala akong alam” din ang sasabihin niya.
“Wala akong alam” ang muling sagot ni Shirley nang makausap ito ng mga miyembro ng entertainment media sa concert ni Agot Isidro noong Hulyo 17, 2026.
“Wala akong alam, e. Wala na akong alam. Lagi naman akong walang alam, di ba?What I know is what everybody knows,” pahayag ni Shirley nang hingan ito ng komento tungkol sa civil wedding na naganap.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pa ring pahayag si Bea.
Read: "Unreasonable demands?" Shirley Kuan breaks silence on controversy involving Bea Alonzo