Naramdaman at napatunayan nina Leian Lieza Galang, 31, at Gilbert Chico, 33, ang kadakilaan ng Panginoong Diyos sa araw ng kanilang kasal sa St. John The Baptist Parish, Hagonoy, Bulacan, noong Setyembre 1, 2026.
Ang Hagonoy ang isa sa mga bayan sa Bulacan na nakaranas ng malakas na pagbuhos ng ulan at mataas na baha dahil sa habagat.
Pero hindi ito naging hadlang para hindi ituloy nina Leian at Gilbert ang kanilang pag-iisang-dibdib.
Kahit hanggang beywang ang taas ng baha sa loob ng simbahan, naglakad patungo sa altar sina Leian at Gilbert, isang eksena na nakita ng buong mundo dahil ibinalita ng international news outlets.
Binaha man ang kanilang kasal, nagkaroon ito ng magandang kapalit.
Bukod sa malawakang atensiyon na ibinigay ng mga mamamahayag sa Pilipinas at mga programa sa telebisyon, ibinalita ito ng New York Post, ABC News, People, The Straits Times, at ibang mga pahayagan sa maraming panig ng mundo.

Tila regalo ito ng Poong Maykapal kina Leian at Gilbert, kapalit ng tensiyon na kanilang naranasan.
Lahad ni Leian sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files: “Noong bisperas ng kasal namin, Agosto 31, at malakas ang ulan, honestly, kinakabahan at nag-aalala talaga kami.
“Maraming pumapasok sa isip namin kung magiging okay ba ang lahat at kung makakarating ba ang mga bisita.
“Pero sabi namin ni Gilbert sa isa’t isa, matagal naming pinangarap at pinaghandaan ang araw na ito.
“Hindi man namin kontrolado ang panahon, kontrolado namin kung paano namin haharapin ang sitwasyon kaya nagtiwala kami sa Diyos, nagdasal, at nagdesisyon na ituloy ang kasal.
“Para sa amin, kahit umulan, ang mahalaga ay magkasama kami at matutupad namin ang pangakong binitawan namin sa isa’t isa.”
Nakausap ng Cabinet Files si Leian noong Linggo, Setyembre 6, limang araw matapos mangyari ang hindi makakalimutang pag-iisang dibdib nila ni Gilbert.
Nagtatrabaho sa Saudi Arabia si Gilbert bilang rigger at umuwi lamang ito ng Pilipinas para sa kanilang kasal.
Pagpapatuloy na lahad ni Leian: “Matagal na po namin pinaplano ang kasal namin.
“Balak po sana naming magpakasal sa December 2026, pag-uwi niya sa Pilipinas dahil po OFW siya.
"Pero nagkaroon ng early vacation si Mister.
“Naaksidente siya, natapilok, kaya po naisipan na naming ituloy ang kasal dahil hindi na siya makakauwi sa December.
"Madalian po ang lahat.”
Read: Chanda Atienza arrives in Manila; to be brought to BJMP New QC Jail
THE WEDDING in the flood
Noong Martes, Setyembre 1, sinuong nina Leian, Gilbert, at ng kanilang pamilya ang malakas na ulan at malalim na baha para makarating sila sa simbahan.
Dahil hanggang beywang ang tubig-baha, sumakay sila sa bangka at tikling na tricycle.
Umabot sa sampung libong piso ang kanilang pamasahe.

“Palipat-lipat po kami ng bangka at tikling. Hindi lang isang sakay kaya po sa pamasahe pa lang, halos PHP10,000 na ang nagastos namin," sabi ni Leian.
Kasunod nito ay ibinahagi ni Leian ang saloobin sa mga kaganapan sa loob ng simbahan kung saan ginanap ang kanilang kasal.
“Habang naglalakad po ako papunta sa altar, halo-halo talaga ang nararamdaman ko—kinakabahan, naiiyak, pero sobrang saya.
“Kahit nakalubog kami sa baha, ang nasa isip ko lang ay ‘Ito na, makakasama ko na habang-buhay ang taong mahal ko.’
“Sa totoo lang, hindi ko na masyadong inisip yung baha. Ang importante sa akin noon ay makarating sa altar at matupad namin ang pangarap na magpakasal.
“Parang naging reminder din yon na kahit anong pagsubok ang dumating sa buhay namin, basta magkasama kami, haharapin namin ito."
Pagpapatuloy ni Leian: “Pinaka-emotional para sa amin yung moment na nasa altar na kami at, finally, nakita namin ang isa’t isa.
"After lahat ng preparations, kaba, ulan at baha, doon namin na-realize na ito na talaga.
“Sobrang emotional din nung binibigkas na namin ang vows at nangako kami sa harap ng Diyos na magsasama kami sa hirap at ginhawa.
"Doon talaga namin naramdaman na sulit ang lahat ng pinagdaanan namin para makarating sa araw na yon.”
Read: Yeng Constantino regrets serenading Ryan Bang at her concert
THE RECEPTION
Nag-umpisa ng 10 A.M. ang kasal nina Leian at Gilbert, samantalang natapos ng 5 P.M. ang wedding reception nila sa Gelo’s Buffet Place and Event’s Place sa Malolos, na 13 kilometro ang layo mula sa Hagonoy.
Muli, isang hamon ang pagpunta ng bagong kasal at ng kanilang mga bisita sa Malolos dahil sa malakas na ulan at baha.
Pero ayon kay Leian, hindi bumaha sa pinagdausan sa wedding reception venue.
At kahit basa ang kanilang mga damit, hindi pa rin sila nagpalit ng kasuotan.
Lahad niya: “Suot pa rin po namin sa reception ang mga basang-basang wedding outfits namin.
“Hindi po agad kami nagpalit dahil nagpa-picture pa po sa amin yung mga bisita na hindi nakapunta sa simbahan.
"After ng picture-taking, saka pa lang po kami nagpalit ni Gilbert ng damit.”
A WEDDING BEING COMPARED TO CRAZY RICH ASIANS
Ano ang reaksiyon nila ni Gilbert na naging international news ang pagpapakasal nila sa gitna ng baha?
“Sobrang saya at natutuwa po kami pareho. Hindi namin in-expect na magiging balita sa buong mundo ang wedding namin.
“Sinabi namin ni Gilbert na ito ang kaloob sa atin ng Diyos. Nakaka-proud at nakaka-overwhelm sa magandang paraan.
"Pero higit sa lahat, nagpapasalamat kami sa lahat ng nagbigay ng suporta, pagmamahal, at magandang wishes sa amin,” sagot ni Leian.
Hiningan din ng Cabinet Files ng reaksiyon si Leian tungkol sa mga sinasabi ng ibang netizens na mas matindi ang actual wedding scene nila ni Gilbert kumpara sa pinag-usapang eksena sa 2018 movie na Crazy Rich Asians, kung saan naglakad sa tubig sa loob ng simbahan papunta sa altar ang karakter ng Japanese-English actress na si Sonoya Mizuno.
“Hindi ko po alam yung Crazy Rich Asians. Hindi ko pa po napapanood,” reaksiyon ni Leian
Read: Lea Salonga makes history as first Filipina to receive Hollywood Walk of Fame star