Animnapu’t pitong (67) taon na ang nakalilipas buhat nang ipalabas sa mga sinehan ang Anak ng Bulkan noong Setyembre 7, 1959.
Ang Anak ng Bulkan ang pelikula ng Premiere Productions na pinagbidahan nina Edna Luna, Fernando Poe Jr., at ng child star na si Ace York aka Ace Vergel.

Limang taon ang edad ni Ace (Nobyembre 20,1954-Disyembre 15, 2007) nang magbida ito sa fantasy-adventure film ng Premiere Productions.
Pero nang magbinata, ginamit niya ang screen name na Ace Vergel.
Siya ang kinikilala noong orihinal na "Bad Boy of Philippine Movies" bago ito naging moniker ni Robin Padilla.

Si Edna Luna, na sumakabilang-buhay noong Pebrero 29, 2024, ang kauna-unahang gumanap na Dyesebel noong 1953.

Nagbida na si Edna sa maraming pelikula bago niya ginawa ang Anak ng Bulkan, at ito ang paliwanag kaya nauna ang billing ng pangalan niya sa poster kesa kay Fernando Poe Jr.
Hindi pa binabansagan noon si FPJ na "King of Philippine Movies."
Labing-siyam na taon pa lamang si FPJ nang gawin nito ang Anak ng Bulkan.

Itinuturing nang isang classic film ang pelikula ng Premiere Productions na madalas ipinapalabas sa mga panghapong programa ng telebisyon noong dekada ’70 at ’80.
Kasama rin sa cast ng black-and-white movie sina Ronald Remy at Bruno Punzalan, na kinatatakutan dahil sa husay nito sa pagganap bilang kontrabida.

Namatay na ang lahat ng mga pangunahing artista ng Anak ng Bulkan kaya wala nang makapagkukuwento tungkol sa kasaysayan at mga karanasan nila nang gawin ang proyekto.
Ngunit nananatiling buhay na buhay sa alaala ng marami ang lumang pelikula dahil napapanood pa rin ito sa YouTube at Facebook.
Read: Kim Chiu's sister Lakam charged in PHP44.4M qualified theft case
ANAK NG BULKAN REMAKE
Tungkol sa pagkakaibigan ng higanteng ibon na si Goliat at Bentoy (Ace) ang kuwento ng Anak ng Bulkan.
Nasa loob pa lamang ng itlog si Goliat nang iluwa ng isang sumabog na bulkan.
Naniniwala ang mga film enthusiast na ang 1956 Japanese movie na Rodan ang naging inspirasyon ng Premiere Productions sa pagsasapelikula ng Anak ng Bulkan, na ipinalabas sa Dalisay Theater mula Setyembre 7, 1959 hanggang Setyembre 16,1959.
Noong 1979, huminto ang Premiere Productions sa paggawa ng mga pelikula.
Pero noong 1996, nagdesisyon ang mga producer at magkapatid na sina Cirio at Digna Santiago na muling maging aktibo sa industriyang mahal nila.
Ang remake ng Anak ng Bulkan na pinagbidahan ni Tom Taus Jr. ang isa sa mga proyekto nila.
Isa ang Anak ng Bulkan sa mga opisyal na kalahok sa 23rd Metro Manila Film Festival noong Disyembre 1997.

Nagmarka nang husto sa manonood ang theme song nitong "The Rainbow in My Cloud," na komposisyon ni Ryan Cayabyab.
Si Digna ang sumulat ng lyrics ng "The Rainbow in My Cloud," na inawit ni Anna Fegi.
Pinupuri ang "The Rainbow in My Cloud" at ikinukumpara ito sa mga Disney movie theme song.
Noong 2018, hinirang si Cayabyab bilang National Artist of the Philippines for Music.
Nagkaroon man ng remake ang Anak ng Bulkan noong 1997, ang pelikulang pinagbidahan nina Ace, Edna, at FPJ noong 1959 pa rin ang higit na nagmarka sa alaala ng mga Pilipino, lalo na sa henerasyon ng Baby Boomers, Gen X, at Millennials.