Ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Makati ang mga kasong slight illegal detention, slight physical injuries, at unlawful arrest na isinampa ni Bonifacio Baro laban sa mga aktres na sina Michelle Dee, Samantha Panlilio, at Rhian Ramos.
Batay sa 17-pahinang resolusyon na may petsang Setyembre 1, 2026, ibinasura ang mga reklamo dahil sa “insufficiency of evidence.”
Read: Michelle, Rhian, Samantha sued for "slight illegal detention"
BONIFACIO BARO’S ALLEGATIONS
Nag-ugat ang mga kaso sa sinumpaang salaysay ni Baro noong Enero 28, 2026.
Ayon kay Baro, naging driver siya ni Rhian sa loob ng apat na taon.
Noong Disyembre 27, 2025, naiuwi umano niya ang isang red envelope o ampao na naglalaman daw ng mga maseselang larawan.
Sinabi ni Baro na nanggaling ang ampao sa drawer ni Michelle na kanyang kinumpuni at nasa kuwarto ng aktres.
Nakasaad sa isang bahagi ng resolusyon: “Consequently, when complainant returned the ‘ampao’ to Michelle on January 14, 2026, the latter allegedly claimed that some of the photographs were missing.
"Complainant denied taking the missing photographs but later learned that it was his wife who had taken the missing photographs.
"Complainant informed Michelle that the missing photographs were with his wife and requested permission to retrieve them, but Michelle did not allow him.”
Noong madaling-araw ng Enero 17, 2026, isinalaysay ni Baro na sinaktan at ikinulong umano siya ni Michelle at ng mga kasama nito sa condominium unit na tinitirhan ng beauty queen at ni Rhian.
Sinabi rin ni Baro na sinubukan niyang tumakas ngunit nahuli siya ng security officer ng condominium building.
Noong Enero 19, 2026, dumating umano ang mga pulis ng Makati City sa condominium unit nina Michelle at Rhian para kunin at ikulong siya.
Gayunman, matapos suriin ang reklamo at mga ebidensyang iniharap, nagpasya ang Office of the City Prosecutor ng Makati na ibasura ang mga kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Read: Rhian Ramos breaks silence amid legal issue with her driver
VACC TO CHALLENGE DISMISSAL
Tumutulong kay Baro ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Ayon kay VACC President Boy Evangelista, kukuwestiyunin nila ang pagbasura sa mga kaso dahil naniniwala silang hindi nabigyan ng sapat na timbang ang mga ebidensyang iniharap ng complainant.
Pahayag ng VACC: “Habang iginagalang ng VACC ang proseso ng batas, hindi namin maiwasang mabahala sa naging takbo ng resolusyon.
"Sa aming masusing pagsusuri, may mga napakalinaw na ebidensya at matitibay na batayan ang tila nakaligtaan, hindi binigyan ng tamang timbang o sadyang nabale-wala sa naging pasya ng piskalya.
“Dahil ang desisyong ito ay nag-iwan ng napakaraming tanong na walang kasagutan, buong-buong susuportahan at gagabayan ng VACC si Baro sa paghahain ng Motion for Reconsideration.
“Ang paghahain ng Motion for Reconsideration ay isang lehitimong hakbang upang maitama ang sa tingin namin ay maling pagbasa at pag-intindi sa mga ebidensya. Umaasa kami na sa pamamagitan nito ay mapipilitan ang piskalya na muling silipin at suriin nang mas patas at masusi ang kabuuan ng kaso.
“Para sa VACC, ang tunay na katarungan ay hindi nakukuha sa minadaling pagbasura ng mga kaso. Bawat Pilipino ay may karapatang marinig nang buo at mabigyan ng patas na pagsusuri.
“Hindi nagtatapos dito ang aming laban para kay Baro. Asahan ninyong mananatili ang VACC sa kanyang tabi upang gabayan siya sa lahat ng legal na hakbang hanggang makaabot kami sa Korte Suprema kung kinakailangan.
“Hangga’t may natitirang remedyo ayon sa batas, hindi namin hahayaang matabunan ng isang kuwestyonableng resolusyon ang katotohanan.”
Read: VACC President Boy Evangelista, may sagot sa ina ni Rhian Ramos