Humingi ng tawad si Nicolas Villanueva kay Niño Muhlach at sa pamilya nito matapos ang mabibigat na paratang niya laban sa aktor.
Binura na rin ni Villanueva ang kanyang Facebook post kung saan inakusahan niya si Niño na hindi tumutupad sa mga pangakong ginawa nito matapos ang kanilang vehicular accident.
Nangyari ang aksidente noong Agosto 23, 2026 sa Antipolo City, kung saan nabangga ni Niño ang motorsiklo ni Nicolas.
Inamin ng aktor na nakatulog siya habang nagmamaneho at inako ang responsibilidad sa nangyari.
Nangako rin siyang sasagutin ang mga gastusin ng mga naperwisyo sa aksidente.
Dinalaw pa ni Niño si Nicolas sa ospital upang personal na matiyak ang kalagayan nito.
Read: Niño Muhlach admits falling asleep at the wheel in Antipolo crash
NICOLAS VILLANUEVA'S FB POST AGAINST Niño Muhlach
Gayunman, makalipas ang ilang linggo, naglabas si Villanueva ng Facebook post na ikinagulat ng marami.
Direkta niyang tinawag ang pansin si Niño dahil sa hindi umano nito pagtupad ng pangako.
Saad niya: “Sir Niño, pangatlong linggo na po. Parang binabalewala na po ninyo yung nangyari sa akin. Ang galing niyong mangako pag may camera.
“Wala pala kayung isang salita sa mga sinasabi niyo. Di pa ako nakakapagtrabaho dahil sa nangyari sakin pati motor ko di niyo pa rin pinapalitan.”

NIÑO MUHLACH'S WIFE DEFENDS ACTOR
Hindi agad naglabas ng sariling pahayag si Niño para sagutin ang mga paratang.
Sa halip, ang kanyang asawa na si Diane Abby Tupaz ang nagsalita at ipinagtanggol ang aktor sa pamamagitan ng isang mahabang Facebook post.
Ayon kay Diane, hindi totoo ang impresyon na pinabayaan ni Niño si Villanueva matapos ang aksidente.
Nakikipag-ugnayan daw ang insurance company kay Nicolas para maproseso ang pagpapalit ng kanyang motorsiklo.
Saad ng misis ni Niño: “Nicolas Villanueva gusto ko lang ipaalam na last week pa pala kayo kinokontak ng insurance pero hindi nyo daw kayo kinakausap ung insurance.
“Inaaway nyo pa daw yung insurance. Sabi ng insurance inaaway nyo daw sila.
"Gusto nyong palitan yung motor nyo and yun naman ang gagawin ng insurance pero ang request daw sa inyo ng insurance eh kailangan makita nila yung motor para ma-estimate nila kung magkano and malaman yung mga need na requirements.
“Humihingi din daw yung insurance sa inyo ng copy ng OR CR at Driver’s license ID FRONT & BACK portion ng driver ng motor as well as yung copy ng TPL Policy mo.
“Pero inaaway nyo daw yung insurance and ayaw nyo makipag usap sa kanila.. Paano nga talaga maayos kung ganito naman pala nangyayari?”
Giit ni Diane: “Yung post na kumakalat eh parang pinapalabas na wala man lang ginawang tulong si Niño Muhlach sa taong naperwisyo nya sa aksidente”
“HINDI YAN TOTOO! I know hindi na dapat ako mag- react but I can’t. I really can’t!! Hindi ko kaya na hindi ko maide-defend yung husband ko or mga anak ko lalo na sa mga taong 'Mema.'
“Memasabi lang sa comment section o mga feeling may alam sa totoong nangyayari. Pati anak ko dinadamay pa sa mga walang kwentang comment nila!
“My husband is a good man!”
Hindi rin pinalampas ni Diane ang mga komentong kumukuwestiyon sa karakter ni Niño.
“My husband is a good man!
"I’m saying this not because I’m his wife, but because he really is that kind of person na kailanman hinding hindi ginustong makasakit o maka-agrabyado o maka-perwisyo ng ibang tao."
Ayon pa sa kanya, alam ni Niño ang kanyang responsibilidad at hindi niya tinalikuran ang mga naperhuwisyong indibidwal.
“Alam ni Niño kung ano yung responsibilidad nya sa mga taong naperwisyo nya and hinding-hindi nya yun tatalikuran.
"Nakita naman din ng lahat na nung una palang inamin nya yung pagkakamali nya, hindi nya tinalikuran, tinakbuhan o pinabayaan yung mga taong naperwisyo dahil sa aksidenteng nagawa nya.”
Patuloy rin umanong tinutulungan ni Niño si Nicolas
Ibinahagi rin ni Diane Abby ang mga tulong na umano'y patuloy na ibinibigay ni Niño kay Nicolas habang nasa ospital ito.
“Sa taong na-ospital na si Nicolas Villanueva, araw-araw sinisiguro ni Niño na natututukan ng mga doctor si Nicolas and naibibigay sa kanya lahat ng gamot na kailangan nya.
“Sinigurado din ni Niño na nabibigay yung araw-araw na pangangailangan ni Nicolas Villanueva and ng family nya habang nasa hospital sila. Cash pang-food, mini grocery, travel expenses, and pati pang baon na money sa school ng daughter ni Nicolas.”
Tungkol naman sa motorsiklo ni Villanueva, tiniyak ni Diane na maaayos din umano ang concern dito.
“And yung sa 'motor' huwag ho kayong mag- alala kasi siguradong mabibigyan yan ng kapalit, hindi naman tatakas si Niño ng dahil lang sa motor.”
Dagdag pa niya: “Hindi sila pinababayaan ni Niño. Hindi tumigil sa pagbigay ng tulong si Niño lalo na kay Nicolas Villanueva and hanggang ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang pagsuporta ni Niño sa gastusin ni Nicolas Villanueva dahil may mga check up pa siya.”
Nagbigay rin ng babala si Diane sa mga taong mabilis umanong humusga base lamang sa nakikita sa social media.
“Kung magpo-post tayo ng hindi totoo at hindi maganda tungkol sa isang tao, pag- isipan muna natin maigi kung deserve niya ba na masira siya sa ibang tao?
"Kasi kung hindi, eh alam nating lahat na napakabilis ng balik ng 'KARMA,' lalo na sa mga tao na nanlalamang ng kapwa.”
Read: Niño Muhlach visits Antipolo crash victim to personally apologize
VILLANUEVA APOLOGIZES TO NIÑO
Ngayong Miyerkules ng hapon, Setyembre 16, 2026, muling naglabas ng pahayag si Nicolas.
Sa pagkakataong ito, humingi siya ng tawad sa mga nasabi niya tungkol kay Niño at sa pamilya nito.
Aniya: “Isang taos-pusong paghingi ng paumanhin sa inyong lahat. Ako ay humihingi ng malalim na patawad sa aking mga nasabi at nagawang kamakailan.
“Alam ko na ang aking mga kilos ay nakasakit at nakadisakto (nakasama) sa marami sa inyo, at walang rason para balewalain ko ito. Buong-puso kong tinatanggap ang responsibilidad sa aking pagkakamali.
“Hindi ko sinasadya na makasakit, pero alam ko na ang epekto ng aking ginawa ay totoo at seryoso. Marami akong natutunan sa pangyayaring ito.
"Sana ay mabigyan ninyo ako ng pagkakataon na patunayan ito sa pamamagitan ng aking mga susunod na kilos. Muli, humihingi po ako ng patawad sa inyong lahat.”
Direkta rin niyang binanggit sina Diane, Niño, at Angela Muhlach Hortaleza sa kanyang paghingi ng tawad.
Aniya: “Ma’am. Diane Abby Tupaz, Sir Niño Muhlach, Ma’am Angela Muhlach Hortaleza, taos-puso po ako na humihingi ng kapatawaran po.
Ayon kay Nicolas, nadala lamang daw siya ng kanyang emosyon nang gawin ang nauna niyang post.
Mahalaga umano sa kanya ang kanyang motorsiklo dahil dito siya umaasa para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
“Nagawa ko lang po dahil sa dala nang aking emosyon dahil sa motor ko po ako umaasa para may pangsuporta po ako sa pang- araw-araw namin.”
Sa huli, sinabi ni Nicolas na hindi niya ikinahihiya ang paghingi ng tawad.
“Muli, hindi kabawasan sa akin ang paghingi ng kapatawaran upang maging maayos po ang lahat. Maraming maraming salamat po.”
Kasunod ng kanyang paghingi ng tawad, binura na rin ni Nicolas ang nauna niyang Facebook post laban kay Niño Muhlach.