Sinagot ni Rochelle Pangilinan ang isyung hindi sila magkasundo ng kanyang kapwa SexBomb member na si Jopay Paguia.
Ayon kay Rochelle, may mga pagkakataong nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng isang grupo, kabilang na ang SexBomb.
Gayunman, nilinaw ng aktres na ang mahalaga ay kung paano inaayos ang anumang problema, lalo na ngayong nais nilang mapanatili ang kanilang samahan at legacy bilang grupo.
Nagsalita si Rochelle tungkol sa isyu nang mag-guest sila ng iba pang miyembro ng SexBomb sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules ng hapon, Setyembre 16, 2026.
Nagpasintabi muna si Boy Abunda kay Rochelle bago itanong ang tungkol sa hindi pagsali nina Jopay at Sunshine Garcia sa music video ng bagong single ng SexBomb, ang "Mama Mama."
Ani Boy: “Bakit sila hindi kasali sa music video and of course, hindi maiwasan itong pabulong na pinag-uusapan na diumano’y meron kayong hindi pagkakaunawaan ni Jopay. From the bottom of my heart, you may or you may not answer.”
Imbes na umiwas, pinili ni Rochelle na sagutin ang tanong at ilahad ang kanyang panig.
Saad niya: “Hindi ko naman talaga ikakaila sa isang pamilya, sa mga magkakaibigan, nagkakaroon talaga yan ng hindi pagkakaunawan.
"Like, nakadepende pa rin yan kung paano maging maayos."
Para kay Rochelle, nakadepende sa bawat tao kung paano haharapin at aayusin ang isang hindi pagkakaunawaan.
“Case-to-case basis. Kung gustong maging maayos ng isa, magiging maayos talaga, e.
"Kasi lagi kong sinasabi sa kanya... sa kanila, sa lahat. General po ako lagi," sabi niya.
“Isa lang dapat ang goal natin kasi, 'Ano ang gusto ninyo,' tinanong ko silang lahat, 'longevity?'
"So, ito yung way natin na tatahakin.”
Read: Sunshine Garcia speaks up on rumored SexBomb rift
RESPECT AND DISCIPLINE
Ipinaliwanag ni Rochelle na kung nais nilang siya ang maging lider, kailangan ding magkaroon ng pagkakaisa at disiplina sa kanilang grupo.
“Kung gusto ninyo na maging lider ako, e, kailangan rumespeto tayo. Kailangan magkaroon tayo ng respeto sa isa’t isa.
"Kailangan magkaroon tayo ng work ethic. Kailangan magkaroon tayo ng discipline.
"Maraming kailangang gawin na mapagkakasunduan ng bawat isa," saad niya.
Inihalintulad pa ni Rohelle ang kanilang samahan sa isang bangka na kailangang sabayan ng lahat sa pagsagwan para makarating sa iisang destinasyon.
“Kumbaga sa isang boat, kailangan isa lang tayo ng sagwan, kasi hindi pupuwedeng hindi kayo makikinig sa akin, tapos may gusto kayong iba.
"Mahihirapan tayo dun, hindi natin alam kung saan tayo pupunta.”
Diretsahan din umano niyang tinanong ang mga kasama kung nais pa nilang ipagpatuloy ang kanilang pagsasama bilang grupo.
Aniya: “Tinanong ko sila, 'Ano bang gusto ninyo? Longevity or marami pang work? Kasi kung ayaw ninyo na, I’m good, then stop.'”
Para kay Rochelle, marami na silang napagdaanan at naabot bilang SexBomb.
“Kasi nakagawa na tayo ng legacy. Hindi na tayo bata para mag-away-away pa sa ganito. Magpapainterbyu dito, ganyan.”
Ayaw rin umano niyang humantong sa puntong magiging paksa sila ng mga kontrobersiya at intriga.
“Gagawan pa tayo ng tsismis. Ulam tayo… or pulutan tayo sa ganito.
"Hindi na maganda para sa edad natin so kailangan lang, isa lang tayo ng goal.
"Kung ayaw mo na, we’re good. Just say it," sabi ni Rochelle.