Dalawang taong hindi maaaring magmaneho ang aktor na si Niño Muhlach matapos kanselahin ng Land Transportation Office (LTO) ang kanyang driver’s license kaugnay ng vehicular accident sa Marcos Highway, Antipolo City, noong Agosto 23, 2026.
Inanunsiyo ng LTO ang desisyon sa pamamagitan ng opisyal na pahayag ng ahensya noong Miyerkules, Setyembre 16, 2026.
Bagamat hindi binanggit ng LTO ang pangalan ng aktor sa kanilang statement, malinaw na tumutukoy ito sa aksidenteng kinasangkutan ni Niño, na bumangga sa tatlong establisyimento matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong sasakyan.
LTO’S TWO-YEAR LICENSE REVOCATION
Ito ang kabuuan ng pahayag ng LTO tungkol sa desisyong kanselahin ang driver’s license ng aktor:
“Ipinataw ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang taong revocation sa lisensya sa pagmamaneho ng isang aktor matapos itong masangkot sa isang aksidente sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal.
“Batay sa isinagawang imbestigasyon at pagdinig hinggil sa insidente, lumabas na nakaranas ng matinding pagkapagod ang nasabing aktor bago mawalan ng kontrol sa kanyang minamanehong sasakyan, na nagresulta sa pagkakabangga nito sa tatlong establisyimento.
“Dahil dito, napatunayang may pananagutan ang nasabing aktor sa paglabag sa Reckless Driving at idineklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na naging batayan sa pagpapataw ng dalawang taong revocation sa kanyang lisensya sa pagmamaneho.
“Samantala, nananatiling nasa alarm status ang naturang sasakyan upang matiyak ang pagpapatupad ng ipinataw na kaparusahan at maiwasan ang anumang transaksyon kaugnay nito habang umiiral ang nasabing resolusyon.”
Read: Niño Muhlach visits Antipolo crash victim to personally apologize
LTO CHIEF: NO ONE IS EXEMPT FROM PENALTIES
Nagbigay rin ng pahayag si Undersecretary and LTO Chief Markus Lacanilao tungkol sa pagpapatupad ng batas-trapiko.
Aniya: “Seryoso ang LTO sa pagpapatupad ng batas-trapiko, lalo na sa mga paglabag na maaaring magdulot ng panganib sa ibang gumagamit ng kalsada.
"Ipatutupad natin ang kaukulang kaparusahan batay sa resulta ng imbestigasyon at pagdinig, anuman ang katayuan ng sangkot.
“Mahigpit na ipinatutupad ng LTO ang mga batas at alituntunin sa kalsada upang mapangalagaan ang kaligtasan ng lahat ng motorista at iba pang gumagamit ng lansangan.
“Hinihikayat ng LTO ang publiko na maging responsable sa pagmamaneho at sumunod sa mga itinakdang patakaran upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian.”
NIÑO MUHLACH PREVIOUSLY ADMITTED FAULT
Noong Agosto 24, isang araw matapos ang aksidente, inamin ni Niño na siya ang may pananagutan sa nangyari.
Nilinaw niya noon na ang naunang impormasyong mechanical failure ang sanhi ng aksidente ay batay lamang sa preliminary police findings at hindi mula sa kanyang sariling pahayag.
“I want to be completely clear and honest: the accident was entirely my fault,” sabi ng aktor.
Ipinaliwanag din ng aktor na nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa kanyang “extremely demanding and exhausting schedule.”
Dahil dito, sinabi niyang buong-buo niyang pananagutan ang nangyari at nangakong tutulong sa biktima at aayusin ang pinsalang dulot ng aksidente.
Bago ang tuluyang dalawang taong revocation, isinailalim muna ng LTO si Niño sa 90-day preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon at hearing kaugnay ng insidente.
Read: Niño Muhlach admits falling asleep at the wheel in Antipolo crash