Ang Philippine adaptation ng Thai movie na Pee Mak ang unang full-length acting project ng Cup of Joe lead vocalist na si Gian Bernardino.
Apektado ng madalas na pag-ulan ang shooting ng Pee Mak sa Laguna, pero hindi ito isyu kay Gian dahil ang Pee Mak ang katuparan ng kanyang matagal nang pangarap maging aktor.
“Sobrang nag-e-enjoy ako, to be honest,” sabi ni Gian sa panayam sa kanya ng Cabinet Files sa media conference ng pelikula na pinangungunahan nina Bea Binene at Wilbert Ross ngayong Huwebes, Setyembre 17, 2026.
Sa ipinakitang scene drop, halos hindi makilala si Gian dahil sa ginamit na prosthetics.
Hindi komportable sa paningin, pero ikinagalak daw niya ang karakter na kanyang ginampanan.

Saad ni Gian: “Kumbaga ngayon, it’s exactly what I imagine. Kasi nung bata ako, fantasy ko yung mga ganyan.
"Kaya kahit anong ipagawa nila sa akin, gagawin ko.
“Yung scene na yon, parang tatlong oras akong walang makita sa kaliwang mata ko, tapos pawis lang siya.
"Pero sabi ko, okay lang, si Direk Victor [Villanueva] naman yan.
“At saka bigay na bigay talaga lahat every single time kaya talagang mahahawa ka sa energy nila.
"Sobrang gagaan nila na kasama at katrabaho.”
Gaano katagal ka nilagyan ng prosthetics sa mukha?
“One hour and three days?” nagbibirong sagot ni Gian.
“Hindi po, humigit-kumulang hindi mabilang, one hour. Ang gagaling din ng prosthetics.”
Read: Jao Mapa reveals past relationship with Rosanna Roces
GIAN'S ADJUSTMENT FROM SINGING TO ACTING
Nang gawin niya ang Pee Mak, napatunayan daw ni Gian ang malaking pagkakaiba ng pagkanta at pag-arte kaya may mga adjustment siyang ginawa.
“On a personal level, siyempre yung pinakaunang adjustment, masanay sa filmmaking as an art.
"From a musical aspect, medyo iba siya, pero along the way, yun ang na-feel ko.
“Nasabi ko na it’s different but the same.
"Parang as the days go by, parang mas lalo akong nai-in love sa craft na meron ang filming.
“In terms of the shoot naman, talagang sobrang hirap na adjustment lagi kapag naaapektuhan kami ng weather.
“Sobrang busy ng schedule ng mga ito [co-stars] kasi mga in demand, pero lagi nilang nagagawan ng paraan na wala talagang masayang na araw,” kuwento ni Gian tungkol sa unang pelikula niya.
Bukod kina Wilbert at Bea, kasama rin sa cast ng Pee Mak sina Vandolph, Jairus Aquino, at TJ Valderrama.
Si Victor Villanueva ang direktor ng Pee Mak na mapapanood sa mga sinehan simula sa Oktubre 14, 2026.

Read: Rochelle Pangilinan breaks silence on rumored rift with Jopay Paguia