Hindi pa natatanggap ni Ashtine Olviga ang best actress trophy na napanalunan niya dahil manggagaling pa ito sa Amerika.
Si Ashtine ang hinirang na pinakamahusay na aktres sa 3rd Metro International Film Festival na ginanap noong Setyembre 6, 2026 sa The Beverly Hilton, Los Angeles, California, USA.
Nagwagi si Ashtine na best actress dahil sa kanyang makatotohanang pagganap bilang rebelde na estudyante na anak ni Piolo Pascual sa Manila’s Finest, na opisyal na kalahok sa 51st Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2025.
Isang malaking sorpresa para kay Ashtine ang parangal na natanggap niya; at ito ang kanyang inilahad nang makapanayam siya ng entertainment press sa VivaOke launch noong Miyerkules, Setyembre 16, 2026.
Nalaman ni Ashtine na nanalo siya na best actress dahil sa mensaheng natanggap niya mula kay Raymond Red, ang direktor ng Manila’s Finest.
"Hindi ko po ine-expect at sobrang out of nowhere yung news na ganoon. Pero nung unti-unti po siyang nagsi-sink sa akin, naiyak na lang po ako sa tuwa.
"Nakakataba po ng puso at sobrang worth it ng lahat ng experiences ko, lahat ng pinagdaanan ko.
"Ganoon pala yung feeling kasi hindi ko po talaga ine-expect and kapag nag-a-act po ako, wala sa awards yung goal ko," lahad ng dalaga.
Basta ang nasa isip daw niya ay pagbutihin ang trabaho.
Dagdag ni Ashtine: "Parang gusto ko lang na kapag ginawa ko ito, gusto kong maibigay yung one hundred percent ko palagi.
"Parang ang goal ko, ayokong panoorin ang sarili ko na iisipin ko na sana, ganito pa yung ginawa ko.
"With that na nagawa ko, na-fulfill ko sa sarili ko, meron pang bonus na nakukuha ko na award kaya sobrang nakakatuwa po,” ang sabi ni Ashtine.
Read: Mark Daniel Oquelda, 16, dies of leptospirosis; father speaks up
ASHTINE OLVIGA ON VIVAOKE
Inanyayahan niya ang lahat na tangkilikin ang VivaOke, ang karaoke app na inilunsad ng Viva Communications Inc. at Viva Music Group, batay sa OPM music catalog at may affordable monthly subscription plan na PHP99.
Kasama sa OPM music catalog ng VivaOke ang mga popular na kanta nina Sharon Cuneta, Sarah Geronimo, Nadine Lustre, Amiel Sol, Martina, The Juans, Rob Deniel, Earl Agustin, Hotdog, Arthur Nery at Cup of Joe.
Maaaring i-download mula sa App Store at Google Play ang VivaOke app.
