Pansamantala lamang ang pagsasara ng Ma Mon Luk, ang iconic Chinese restaurant na dinarayo dahil sa kanilang popular na mami at siopao.
Kabilang ang sumakabilang-buhay na King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr., ang talk show host na si Boy Abunda, ang aktres na si Tetchie Agbayani, at mga senador sa mga tumangkilik at patuloy na tumatangkilik sa makasaysayang restawran.
Marami sa mga regular na kostumer ng Ma Mon Luk sa Quezon Avenue, Quezon City ang nagulat, nagtaka, at nalungkot nang makita nilang sarado noong Setyembre 18, 2026 ang kanilang paboritong kainan.
Maliban sa Facebook post na “Temporarily Closed. We’ll be back soon. Thank you for your support,” walang ibinigay na paliwanag ang pamunuan ng Ma Mon Luk tungkol sa kanilang pagsasara.

Read: Moira dela Torre breaks silence on Sam-Catriona breakup
CLOSURE NOTICE
Personal na sinadya ng Cabinet Files ang sangay ng Ma Mon Luk sa Quezon Avenue nitong Linggo ng hapon, Setyembre 20, 2026.
Nagbaka-sakali kaming may makausap na empleyado na makapagbibigay-linaw tungkol sa biglaang paghinto ng operasyon sa kanilang pinaglilingkurang tindahan.
Pero saradong-sarado ito.

Nakita ng Cabinet Files ang Closure Notice mula sa Quezon City Government na nakapaskil sa harap ng Ma Mon Luk.
Ito ang nagsilbing sagot tungkol sa pagsasara ng iconic restaurant.
Natatakpan ang Closure Notice ng matataas na halaman na nakalagay sa paso kaya kinailangan pang hawiin ito para makunan ng litrato at mabasa ang nakasulat dito.

Nakasaad dito: “This establishment is ordered CLOSED for violating Presidential Decree 856 otherwise known as the Sanitation Code of the Philippines and City Ordinance No.SP-91, S-93 or the Quezon City Revenue Code of 1993 as amended.
“Unauthorized removal, defacing, and/or destroying of this notice shall subject the offender to criminal prosecution.”

Para sa kaalaman ng lahat, nilagdaan at pinagtibay ang Presidential Decree No. 856 o Code on Sanitation of the Philippines noong Disyembre 23, 1975.
Ang protektahan ang kalusugan ng publiko ang pangunahing layunin ng naturang atas o kautusan.
Read: Lakam Chiu, Kim Chiu's sister, arrested over 124 counts of qualified theft