Hindi nakakalimutan ng mga matatapat at masusugid na tagahanga nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion ang petsang Setyembre 23, 1984.
Ito ang araw na ikinasal ang kanilang mga iniidolong artista sa Manila Cathedral sa Maynila.
Apatnapu’t dalawang (42) taon na ngayong Miyerkules, Setyembre 23, 2026, mula nang maganap ang pag-iisang-dibdib nina Sharon at Gabby.
Iyon ang pinakamalaking balita noon sa Philippine entertainment industry at sa buong Pilipinas.
Dalawang buwan nang buntis si Sharon, 18, nang ikasal sila ni Gabby, 19 — isang malaking okasyon na tinutukan ng buong bansa at matagal na pinag-usapan.
Dinagsa ang Manila Cathedral ng mga taon na gustong masaksihan nang personal ang pagpapakasal ng mga pinakasikat na loveteam at young actors ng dekada ’80.
Sina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., Helen Gamboa, Lily Monteverde, Mina del Rosario, at dating US Consul Vernon McAninch ang ilan sa mga kilalang personalidad na tumayo bilang mga ninong at ninang sa kasal nina Gabby at Sharon.

Read: Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, posibleng magtagpo sa 34th wedding anniversary sana nila
SHARON CUNETA RECALLS WEDDING TO GABBY CONCEPCION
Nabanggit ni Sharon sa isang panayam noong 2018 na naglilihi na siya nang ikasal sila ni Gabby.
Habang nasa kalagitnaan ng seremonya, sukang-suka raw ang kanyang pakiramdam.
Ikinuwento rin ni Sharon na ninakaw ang wedding veil niya kaya ang belo ng secondary sponsor ang kanyang ginamit sa wedding reception na idinaos sa Philippine Plaza Hotel, sa Pasay City.
Isang alaala na lamang ito dahil nagsara na ang Philippine Plaza Hotel noong Hulyo 1, 2024.

Read: Sharon Cuneta tells all about marriage and breakup with Gabby Concepcion
Dokumentado ang kasal nina Sharon at Gabby dahil sa documentary na The Best of Sharon & Gabby, na pinilahan sa mga sinehan nang ipalabas ito noong Oktubre 4, 1984.
Kasama sa documentary ang ilang mga eksena mula sa blockbuster movies nina Sharon at Gabby na P.S. I Love You, My Only Love, at Dapat Ka Bang Mahalin?.
Ang Viva Films ang producer ng The Best of Sharon & Gabby at mula ito sa direksiyon ni Al Quinn.

Makalipas ang 42 taon buhat nang mangyari ang makasaysayang pagpapakasal nina Sharon at Gabbysa simbahan, may kanya-kanya na silang buhay dahil hindi nagtagal ang kanilang pagsasama.
Pero hanggang ngayon, tinatangkilik ng mga kinikilig at matatapat na tagahanga nila ang kanilang hindi kumukupas na loveteam.
Read: The most kilig reactions to Sharon Cuneta-Gabby Concepcion reunion