Hindi tinanggap ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang pagkaka-dismiss ng mga reklamong inihain ni Bonifacio “Totoy” Baro laban kina Michelle Dee, Rhian Ramos, Samantha Panlilio, at iba pang respondents.
Si Baro ay dating personal driver ni Rhian.
Sa pamamagitan ng kanilang legal counsel na si Atty. Argel Joseph T. Cabatbat, naghain ang VACC ng Motion for Reconsideration (MR) at Motion for Inhibition kaugnay ng September 1, 2026 Joint Resolution ng Office of the City Prosecutor of Makati, na nag-dismiss sa mga reklamo ni Totoy.
Ipinadala ni VACC President Boy Evangelista sa Cabinet Files ngayong Miyerkules, Setyembre 23, 2026, ang kanilang pahayag tungkol sa suporta nila kay Baro at sa mga isyung nais nilang muling masuri.
Nakasaad dito: “Kami sa Volunteers Against Crime and Corruption [VACC], sa tulong ng aming legal counsel na si Atty. Argel Joseph T. Cabatbat, ay naghain ng Motion for Reconsideration at Motion for Inhibition kaugnay ng September 1, 2026 Joint Resolution ng Office of the City Prosecutor of Makati na nag-dismiss sa mga reklamong inihain ni Bonifacio 'Totoy.'
“Hindi lamang ito tungkol sa isang kaso. Tungkol ito sa karapatan ng isang ordinaryong Pilipino na marinig, mapakinggan, at mabigyan ng patas na pagkakataong maipaglaban ang kanyang karapatan, regardless of who he is up against.
“Ang hinihingi lamang namin ay simple: tingnan ang lahat ng ebidensya, pakinggan ang lahat ng panig, at hayaang ang katotohanan at batas ang manaig.”
Read: Cases vs. Michelle Dee, Rhian Ramos, Samantha Panlilio dismissed
ALLEGED SLIGHT ILLEGAL DETENTION
Kabilang sa mga pangunahing puntong nais ipasuri muli ng VACC ang reklamo tungkol sa alleged slight illegal detention.
Ayon sa kanilang MR, kabilang sa mga ebidensiyang dapat umanong muling tingnan ang barangay blotter, NBI-authenticated CCTV footage, at witness statements.
“At higit sa lahat, may sariling pahayag si Michelle Dee sa barangay blotter na mahalagang mabigyan ng proper consideration.
“Sa blotter, mismong si Michelle Dee ang nagsabi na si Totoy ay 'made an attempt on his escape' at, matapos niyang makalabas, 'he was caught and brought back to my unit.'
“Para sa VACC, napakahalaga ng mga salitang iyon.
“Hindi lamang ito kuwento ni Totoy. Ayon sa MR, ito ay pahayag mismo ni Michelle Dee na nakatala sa isang official barangay record.
“Kaya simple ang tanong namin: Kung malaya siyang umalis, bakit kailangan niyang 'tumakas'? At nang makalabas siya, bakit siya 'caught and brought back' sa unit?
“Dagdag pa rito, ayon sa MR, may NBI-authenticated CCTV footage na nagpapakitang na-intercept si Totoy at ibinalik sa condominium. May witness statement din mula sa condominium security officer na binanggit bilang corroborating evidence.
“Hindi namin sinasabing ang isang blotter entry lamang ang magdedesisyon ng buong kaso. Ang sinasabi namin ay mahalagang ebidensya ito na nararapat masusing timbangin kasama ng CCTV, witness statements, at iba pang records.”
Binibigyang-diin din ng VACC ang mga ebidensiyang may kaugnayan umano sa mga pangyayari sa Northern Samar.
“Kabilang dito ang PAL passenger records certified by Philippine Airline Legal Counsel, CCTV footage, at sworn statements na, ayon sa MR, may kaugnayan sa pagpunta ng ilang persons involved sa Northern Samar habang nangyayari ang mga insidente sa Makati.
“Ang position namin ay dapat tingnan ang mga ebidensyang ito as part of the bigger picture at hindi in isolation.
“Kung may documentary records, CCTV, at testimonies na maaaring makatulong para ma-establish kung ano talaga ang nangyari, dapat silang mabigyan ng proper consideration,” saad ng VACC.
Read: Michelle, Rhian, Samantha sued for "slight illegal detention"
SLIGHT PHYSICAL INJURIES, MALTREATMENT
Kinukuwestiyon din ng MR ng VACC ang dismissal ng mga reklamo para sa slight physical injuries at aaltreatment, na ayon sa motion ay ibinasura on the ground of prescription.
Saad ng VACC: “Ayon sa MR, January 28, 2026 pa lamang ay nag-file na ng formal complaint si Totoy sa NBI, ilang araw matapos ang alleged incidents noong January 17 to 19.
“Ang legal position ng aming counsel ay dapat isaalang-alang ang complaint filed with the NBI sa determination kung na-interrupt ang running ng prescriptive period.
“Binanggit din sa MR ang NBI medico-legal findings kaugnay ng mga iniulat na injuries ni Totoy.
“Para sa amin, ang mga ito ay substantive issues na nararapat resolbahin matapos ang isang complete and fair evaluation of the records, at hindi lamang dahil sa technicality.”
UNLAWFUL ARREST
Isa pang mahalagang punto sa MR ang reklamo tungkol sa unlawful arrest.
Ayon sa motion, mayroon nang January 22, 2026 Inquest Resolution ng Makati City Prosecutor's Office na nagsabing walang legal basis para sa warrantless arrest kay Baro kaugnay ng theft complaint at nag-utos ng kanyang release.
“Dahil dito, itinatanong namin kung paano ito maitutugma sa subsequent resolution na nag-dismiss naman sa complaint for Unlawful Arrest.
“Kung dati nang sinabi ng parehong prosecution office na walang basis ang warrantless arrest, naniniwala kaming nararapat lamang na malinaw at masusing ma-review ang issue na ito?
Kasabay ng Motion for Reconsideration, humihiling din ang complainant, sa pamamagita ng kanyang counsel, ng voluntary inhibition ng mga prosecutors na tinukoy sa motion at ng pag-forward ng records sa Department of Justice para sa designation ng independent panel of prosecutors.
“Hindi ito paghahanap ng special treatment. Ang hinihingi namin ay isang review na independent, impartial, at walang pagdududa sa fairness ng proseso.
“Kung matibay ang ebidensya, let the evidence speak. Kung may mga tanong tungkol sa ebidensya, sagutin ang mga ito through the proper legal process," paniniwala ng VACC.
Read: VACC President Boy Evangelista, may sagot sa ina ni Rhian Ramos
VACC: EQUAL TREATMENT, DUE PROCESS
Iginiit ng VACC na hindi nila layuning agad paniwalaan o husgahan ang alinmang panig.
Sa halip, nais daw nilang muling masuri ang mga ebidensyang binanggit nila sa kanilang motion.
“Sa VACC, naniniwala kami na ang hustisya ay hindi dapat nakadepende sa pangalan, estado sa buhay, kasikatan, impluwensya, o koneksyon ng isang tao.
“Mayaman man o mahirap. Sikat man o hindi. Makapangyarihan man o ordinaryong mamamayan.
“Pare-pareho dapat tayo sa mata ng batas.
“Hindi namin hinihingi na agad paniwalaan si Totoy. Hindi rin namin hinihingi na agad husgahan ang mga respondents. Ang hinihingi namin ay huwag balewalain ang ebidensya.
“Kung may barangay record, tingnan ito. Kung may CCTV, panoorin at suriin ito. Kung may medico-legal findings, timbangin ito.
“Kung may sworn statements at official records, isama ang mga ito sa kabuuang pagsusuri.
“At kung mismong nakasaad sa blotter na "made an attempt on his escape" si Totoy at pagkatapos ay "he was caught and brought back to my unit," then we believe the Filipino people deserve to know that this evidence was given the serious consideration it deserves.
“Hindi special treatment ang hinihingi namin para kay Totoy. Ang hinihingi namin ay equal treatment, fair hearing, due process, at hustisya,” pahayag nila.
Read: Rhian at Michelle, inireklamo ng torture at illegal detention