Muntik nang sumuko pero inilaban ng lupaypay na katawang-lupa ng "Atletang Ina" na si Ai-Ai delas Alas ang nakakapagod na karera sa HYROX Rome noong Huwebes, Setyembre 24, 2026, sa Fiera Roma, Italy.
Siya lamang ang nag-iisang Pilipinang sumali sa Women’s Open Solo Division, at nag-iisang artista mula sa Pilipinas na sumali sa HYROX Rome.
Lumipad si Ai-Ai patungong Rome noong Setyembre 22 para sa kompetisyon.
Sa panayam ng Cabinet Files nitong Biyernes, Setyembre 25, inamin ni Ai-Ai na mas naging mahirap para sa kanya ang HYROX Rome kumpara sa HYROX Hong Kong na sinalihan niya noong Mayo 2026.
“Hindi kasi ako masyadong nakapag-training dahil sa mga show ko, pero inilaban ko ang HYROX Rome,” umpisang salaysay ni AiAi.
ONE WEEK OF TRAINING
Ayon kay Ai-Ai, isang linggo lamang ang naging paghahanda niya bago siya lumipad patungong Rome.
“Ang training ko, one week lang bago ako lumipad sa Rome. Pero noong September 23, nagkaroon agad ako ng cramps dahil siguro sa nerbiyos.
“Nung actual race na noong September 24, nag-cramps ako from Station 5 to Station 8,” lahad niya.
Ipinaliwanag ni Ai-Ai kung paano ginagawa ang HYROX race.
“May walong station kasi ang HYROX race pero tatakbo ka muna.
"Yung unang takbo, 1.8 kilometers ang layo. Tapos papasok ka, gagawin mo yung Station 1.
“Then tatakbo ka uli ng one kilometer, tapos papasok ka naman sa Station 2.
"Same routine yon hanggang makaabot ka sa Station 8."
Dagdag niya, “Pero sa Station 5, nag-super cramps na ako na noon ko lang naranasan.”
Sa puntong iyon, naging malaking sandigan daw ni Ai-Ai ang kanyang pananampalataya.
“Super dasal ako ng 'Our Father, Hail Mary,'" pagbabahagi niya.
"Sabi ko, 'Tulungan Ninyo po ako. Gusto kong tapusin ito nang wala akong injury. Kahit ang sakit-sakit na ng legs ko, kailangan matapos ko ito.'”
Ikinuwento rin niya kung gaano kabigat ang nararamdaman niya habang nagpapatuloy sa race.
“Gusto kong masuka. Gusto kong mahimatay pero tao lang ako na nabuhay muli.”
Ayon kay Ai-Ai, kailangan niyang kontrolin ang kanyang paghinga at pacing dahil ramdam niyang nanghihina na ang kanyang katawan.
“Kumukuha ako ng hangin dahil baka mahimatay ako.
"Kapag pala nagka-cramps ka, ang ibig sabihin, wala nang hangin yung katawan mo so kailangan mag-pacing ka.”
Dahil dito, napilitan daw siyang huminto-hinto sa ilang bahagi ng race.
“Kaya ako natagalan kasi tumitigil ako. Kailangan kong tapusin.
"Yung katabi ko, second station pa lang, nag-collapse na agad. Babae siya, Koreana, bata pa,” saad niya.
Hindi na rin umano siya naging fully aware sa dami ng stations na natapos niya.
“Para akong nagdedeliryo. Yung mga kasama ko, sinasabi sa akin, ‘Tapos ka na!’”
Isa raw sa mga naging dahilan ng kalituhan niya ang sled pull.
“Meron kasing sled pull, apat na beses na kailangang gawin.
"Nakaapat na pala ako, tuloy pa rin ako sa sled pull dahil parang nagdedeliryo nga ako. Gusto ko pang gumawa ng isa.
“Akala ko hindi pa ako nakaka-apat. Inawat na nila ako,” kuwento ni Ai-Ai.
Read: Ai-Ai delas Alas finishes Hyrox competition in Hong Kong
THREE HOURS AND 30 MINUTES
Dahil hirap na siyang tumakbo, naglakad na lamang daw si Ai-Ai sa ilang bahagi ng race.
Aniya: “Three hours and thirty minutes ang time ko kasi naglakad na lang ako.
“Nung una, gusto ko nang mag-give up kasi nasusuka na ako. Hindi ko na kaya yung sakit.”
Nagsimula ang race niya 4:20 ng hapon at natapos siya makalipas ang alas-siete ng gabi.
Kung anu-ano raw ang pumapasok sa isip ni Ai-Ai habang pilit niyang tinatapos ang race.
“Pati si Joanna Wietrzky naisip ko. Buti hindi ako napadumi sa hirap,” pagtukoy niya sa Australian Elite HYROX athlete na napadumi sa salawal sa karera sa HYROX Beijing.
Gayunman, hindi niya hinayaang tuluyang madaig siya ng pagod.
“Inilaban ko talaga," sambit niya.
"Dapat talaga kung magsosolo ka, nakapag-training ka nang mahaba at matagal na panahon.
“Lahat ng pampalakas, ginawa ko sa Rome. Uminom ako ng electrolytes, kumain ako ng saging.
“Bago sumali sa karera, nag-almusal ako ng gluten-free bread dahil kailangan ko ng carbs.
"Ang tanghalian ko, gulay at tuna. Uminom din ako ng magnesium.
“Kinaya ko dahil finisher ako, pero mahirap talaga. Iika-ika na ako sa paglalakad. Inalalayan ako ng mga organizer.”

Read: Australian HYROX athlete makes headlines after diarrhea incident
EMOTIONAL MOMENT FOR AI-AI
Hindi lamang sa pagtatapos ng race naging emosyonal para kay Ai-Ai.
Napaiyak siya nang ikuwento ang mainit na pagtanggap sa kanya ng Italian announcer, organizers, at staff matapos niyang maideklarang finisher.
Lahad ni Ai-Ai: “Nang i-announce ang pangalan ko na finisher, nag-bow pa yung Italian announcer kasi pinag-uusapan nila ako na turning 62 pero ang tibay.
“Tinatanong nila yung mga tao, ‘How old is she?’ Nung sabihin na ‘She’s turning 62,’ pumapalakpak sila.
"Pati yung mga organizer at staff, nag-cheer para sa akin. Lalo tuloy akong napaiyak.
“Makikita naman sa video na inaakay na ako paakyat sa stage dahil hirap na hirap na akong maglakad.”
Ikinuwento rin ni Ai-Ai ang isa pang nakakatuwang eksena sa water booth.
“Meron kasing mga water booth, yung isang Italian woman sa water booth, nagtanong siya, ‘Who’s that cute girl?’ kasi may ribbon ako sa ulo.
“Sabi ko, I am not a girl. I’m turning 62. Natulala si Ate.”
Dahil sa tindi ng pagod, hindi muna raw niya kayang mamasyal sa Rome.
“Magpapahinga muna ako dahil hindi ako makalakad. Hindi ko makakayang mamasyal, baldado ako. Sisimba lang ako sa Vatican,” sabi niya sa Cabinet Files.
Sa kabila ng matinding hirap na pinagdaanan niya, wala raw pagsisisi si Ai-Ai sa kanyang naging desisyong sumabak sa HYROX Rome.
“Pero no regrets ako. Proud ako sa sarili ko na natapos ko ang race.
"At my age, mag-isa lang akong Pilipino na 62 years old na sumali sa HYROX Rome,” pagmamalaki ni Ai-Ai.
Read: Sandro Muhlach witnesses Joanna Wietrzyk’s HYROX Beijing incident