Malaya nang nakapagkukuwento si Bayani Agbayani tungkol sa hindi natuloy na pagpapakasal nina Bea Alonzo at Vincent Co sa Spain noong Mayo 2026.
Kalaunan ay natuloy ang civil wedding ng dalawa sa tanggapan ni Mayor Nancy Binay sa Makati City Hall noong Hulyo 13, 2026.
Imbitado si Bayani at ang asawa niyang si Lenlen sa nakanselang kasal nina Bea at Vincent sa Spain.
Ang panganay na anak nina Bayani at Lenlen na si Thalia ang asawa ng nakababatang kapatid ni Bea na si James.
May dalawang anak na lalake sina James at Thalia na mahal na mahal ni Bea.
Lumipad sa Madrid, Spain, sina Bayani at Lenlen noong Mayo 1, 2026 para dumalo sana sa kasal nina Bea at Vincent.
Pero ilang araw bago ito mangyari, sinabi sa kanila ni Thalia na hindi na matutuloy ang importanteng okasyong pinaghandaan nila.
Read: Shirley Kuan denies causing Bea Alonzo’s canceled Spain wedding
BAYANI SPEAKS UP ABOUT CANCELLED SPAIN WEDDING OF BEA AND VINCENT
Sa panayam niya sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Lunes, Setyembre 28, 2026, inilahad ni Bayani ang mga kaganapan tungkol sa naudlot na pagpapakasal nina Bea at Vincent sa Spain.
“Pumunta kami sa Madrid kasi nauna na kami roon dahil balak namin ni Lenlen mamasyal.
"Pagdating namin ng Barcelona, after Madrid, dun namin nalaman.
“'Papa, hindi na po matutuloy,'” balita raw kay Bayani ng anak nitong si Thalia.
Ano ang naging reaksiyon nila?
Saad ng komedyate: “Una, hindi kami makapaniwala, pero eventually, naniwala rin kami.
"Happy-happy na lang kami muna kesa malungkot kami kasi nandoon na rin po kami.
"Pinuntahan namin yung mga lugar.
"Nung May 14, dapat meron silang dinner... Puwede ko naman siguro ikuwento ito tutal nakasal na naman sila.
“Pumunta kami sa lugar kung saan sila magdi-dinner.
"Sinilip namin kasi baka natuloy tapos wala kami. Naniniguro kami.”
Read: Bea Alonzo confirms wedding to billionaire scion Vincent Co
THE REENACTMENT
Ibinahagi rin ni Bayani ang mga reenactment na ginawa nila ni Lenlen para maging makabuluhan ang pagpunta nila sa Spain
Lahad niya: “Eto, nagdi-dinner tayo pero sarado yung gate, tinatanaw lang namin. Parang Malacañang, e.
“Tapos yung kasal nila that day, pumunta rin kami sa Jerez, dun sa simbahan.
"Hindi lang namin inilalabas kasi siyempre ayaw namin pang ilabas, pero nasa amin yung videos.
“Ang ganda nung lugar kaya pala gustung-gusto nila doon. Ang ganda pala sa Jerez, tapos tumuloy na kami sa Portugal."
Hindi sinabi ni Bayani kung ano ang pangalan ng simbahan na pagdarausan sana ng kasal nina Bea at Vincent sa Spain, ngunit ang pinakakilala sa Jerez ay ang Jerez de la Frontera Cathedral na matatagpuan sa Andalusia.
Nakansela man ang kasal sa Spain na dadaluhan nina Bayani at Lenlen, walang nabago sa plano ng mag-asawa dahil itinuloy pa rin nila ang isang buwang pagbabakasyon sa Spain.
Matagal na nila itong balak kaya hindi nasayang ang mga paghahanda na kanilang ginawa.
Read: WHAT PEP KNOWS: Bea Alonzo and Vincent Co break up for good