Muling kinuyog ng netizens ang comedienne-singer na si Kakai Bautista dahil sa maaanghang niyang salita sa guesting nila ni Gladys Reyes sa entertainment talk show na Kalurks ng GTV noong Linggo, Setyembre 27, 2026.
Ito ay bunsod ng muling pagtatanggol at pagbibigay-opinyon ni Kakai sa May-December relationship ng sports broadcaster/courtside reporter na si Apple David, 33, at ng basketball player boyfriend nitong si Chad Gammad, 18.
Tinawag ni Kakai na “8080” (kolokyal na tawag sa "bobo") ang mga bumabatikos sa kanya at hindi pabor sa relasyon nina Apple at Chad.
Inaakusahan ng ilang netizens si Apple na "groomer" dahil sa pakikipagrelasyon sa lalakeng malaki ang agwat ng edad sa kanya.

KAKAI BAUTISTA ON CONVERSATION WITH APPLE DAVID
Ayon kay Kakai, nagkausap sila ni Apple sa telepono kaya alam umano niya ang buong katotohanan.
Lahad ni Kakai: “Tumawag ako kay Apple David. 'Can I talk to you?' Nilinaw ko lahat.
“I reached out to her. Sabi niya, ‘Thank you, Miss Kakai.’ Nalaman ko yung totoo.
"So ako, sa mga basher, sabi ko nga, ‘O punta kayo sa DSWD. Kausapin ninyo yung nanay [ni Chad].'
"Ganoon na lang ang sinasabi ko kasi wala kayong alam. Ako, alam ko. Galing na mismo sa tao [Apple].
"Kaya nga sabi ko, magreklamo kayo dun sa DSWD.
"Kasi alam ko, naninigurado ako na kaya kong ipaglaban at panindigan yung sinabi ko.
"I called her. Nagulat nga siya.
"Sabi ko, 'I just want to hear it from you. Are you okay? Kailan ba nagsimula ito?'
"Pati date, sinabi pa niya sa akin."
Litanya pa niya: “Kung ang isang tao, minsan lang sasaya sa buhay niya, hindi mo pa ba ibibigay?
"Saka anong pakialam mo? Ikaw ba ang nagpapakain?
“Yun lang, e, napakaikli ng buhay. Ayun na nga, e, di ba, sabog-sabog na nga ang buhay natin, maging masaya tayo para sa ibang tao.
"Kasi kung hindi naman natin business, huwag nating bigyan ng ano.
“Kung may mangyaring hindi maganda sa kanila ni Chad, wala na tayong pakialam dun, e, ginusto niya yan, di ba?
"So, kaya sinabi ko kay Apple, tinanong ko siya, 'Talagang happy ka ba?'
"[Sabi niya], 'I’m happy.’ Hindi ko pa ba ibibigay?”
Read: Kakai Bautista considers legal action over Apple David backlash
KAKAI IGNORES "8080" BASHERS
Iginiit ni Kakai na hindi na siya nagpapaapekto sa online haters dahil natuto na raw siyang pagtawanan ang mga naninira sa kanya.
“Sorry na, ha? Minsan tawang-tawa na ako sa mga pinagsasasabi nila. Sobrang tawang-tawa.
"Ano kayang mangyayari kapag sinabi ko ito kasi, aminin naman natin, ang dami talagang 8080.
“Tapos, sabi ko nga, kung kaya mong makipag-argument sa akin, maglabanan tayo ng magandang argument, e, di ba? Go!
"Tumigil na, hindi na sumagot. Ibig sabihin, 8080. Tapos na ako.
“Pero ngayon, yung dati kasi dinadala ko hanggang pagtulog yung mga sinasabi sa akin.
"Ngayon, hahaha, ganoon na lang ako,” saad niya.
GLADYS REYES' VIRAL MEME
Incidentally, nadamay si Gladys Reyes sa isyu ng pagtatanggol ni Kakai sa relasyon nina Apple at Chad.
Kumakalat ngayon sa social media ang meme ni Gladys na nakangiti lamang habang naglilitanya si Kakai sa guesting nila sa Kalurks.
Ayon sa netizens, base sa reaksiyon ni Gladys, hindi pabor ang aktres sa mga sinabi ni Kakai.
Pero mali ang kanilang mga akala.
Pagkatapos ng guesting nila sa Kalurks, sinabi ni Gladys sa Cabinet Files na hindi siya pamilyar tungkol sa isyu nina Apple at Chad kaya limitado ang pagbibigay niya ng opinyon.
Read: Apple David hits back at critics of relationship with Chad Gammad