Bago siya nakilala bilang weatherman at co-host ng Unang Hirit, ang morning program ng GMA-7, unang sumabak sa pag-arte si Anjo Pertierra sa HBO Max series na Call My Manager.
Bilang unang acting assignment niya, naging malaking oportunidad para kay Anjo ang serye, lalo na’t marami ang humanga sa kanyang pagganap bilang anak ni Edu Manzano.
Kung mabibigyan ng pagkakataon, nais pa rin ni Anjo na ipagpatuloy ang kanyang acting career.
Nagpapasalamat siya sa direktor na si Erik Matti at sa VP Global, ang talent management agency na namamahala sa kanyang career, sa tiwalang ipinagkaloob sa kanyang maging bahagi ng seryeng pinagbidahan nina Edu, RK Bagatsing, Gina Alajar, at Judy Ann Santos.
ANJO ON JOINING CALL MY MANAGER
“Tumayo ang lahat ng puwedeng tumayo sa akin,” sagot ni Anjo nang tanungin siya tungkol sa kanyang reaksiyon nang malaman niyang kasama siya sa cast ng Call My Manager.
Mas lalo siyang namangha nang malaman niyang bahagi siya ng isang HBO Max production na may international audience.
“Sa totoo lang, it’s HBO Max. Kapag narinig mo yung HBO, usually diyan ka nanonood ng Harry Potter, Lord of the Rings, Game of Thrones, House of the Dragon.
"So, maging part ka ng isang project na makikita mo, internationally, hindi lang globally, it’s so big, lahat tumayo sa akin.
"It’s such an amazing experience na habambuhay ko siyang tatanawin,” sabi ni Anjo.
Nagulat din si Anjo nang malaman niyang halaw mula sa tunay na buhay ng mga artista ang mga kuwentong tinatalakay sa bawat kabanata ng Call My Manager.
View this post on Instagram
Read: Rovelyn Baterbonia, Angelica Yulo meet for the first time: "Basher attack"
ANJO PERTIERRA AS UNANG HIRIT WEATHERMAN
Bukod sa pag-arte, bahagi ng trabaho ni Anjo bilang resident weatherman ng Unang Hirit ang pagpunta sa mga lugar na apektado ng baha upang direktang maiulat ang sitwasyon ng mga residente.
Hindi ito madaling assignment dahil may panganib na dulot ng leptospirosis. Kaya naman tinanong siya ng Cabinet Files kung nakakaramdam ba siya ng takot tuwing lumulusong sa baha.
Para kay Anjo, mas nangingibabaw ang kanyang pagnanais maihatid sa publiko ang kuwento ng mga taong direktang nakararanas ng sakuna.

Saad ni Anjo: “Nung unang beses na sumalang ako sa baha, mas inisip ko pa yung mga tao na nandoon kesa sa sarili ko.
"Kasi nakita ko first-hand yung pinagdadaanan ng mga kapwa natin Pilipino na araw-araw, may mga lugar sa bansa natin na taon bago humupa ang baha.
“So, para sa akin, wala lang yung isang beses na paglusong ko sa baha kumpara sa mga nararanasan nila.
“Para sa akin na tagahatid ng mga istorya nila sa mga manonood, sobrang fulfilling.
"So, para sa akin, sanay na ako. Mas gusto ko siyang ginagawa."
ANJO ON STAYING PROTECTED WHILE COVERING FLOODS
Sa tanong kung paano siya naghahanda at nag-iingat tuwing kailangan niyang lumusong sa baha, ipinaliwanag ni Anjo ang protective measures na ginagamit nila depende sa lalim ng tubig.
“Ang paghahanda natin, kung mababa lang ang baha, nagsusuot ng bota.
"Kapag mataas ang baha, may wader. At kapag talagang napalusong ka, pinapainom po kami ng prophylaxis.”
Para kay Anjo, sulit ang lahat ng hirap at panganib dahil nabibigyan siya ng pagkakataong maiparating sa mga manonood ang mga kuwentong maaaring hindi marinig kung hindi niya personal na makakausap ang mga residente.
“Yes, it’s worth it," sambit niya.
"Sabi ko nga, fulfilling siya na nakakapaghayag ako ng istorya ng kapwa natin Pilipino na hindi kayang i-voice out kung ano yung mga nararanasan nila.
“Para sa akin, mahirap pakinggan yung mga sagot nila every time na magtatanong ako kung paano yung mga pang-araw-araw nila.
“May nakakuwentuhan po ako, sabi niya, nag-birthday siya, nag-Pasko, nag-Bagong Taon, nag-Valentine’s, baha.
“So, imagine yung araw na pinakamahalaga para sa yo, birthday mo, baha.
"Bibili ka ng panghanda mo, baha.
"Gigising ka, matutulog ka, kakain ka ng tanghalian, hapunan, baha.
“So, para sa akin po, yun po ang mahirap na part ng trabahong ito.”
Read: Candy Pangilinan weighs in on Patrick Garcia-Jennylyn Mercado issue