“Hindi ko po alam ang dahilan.”
Ito ang sagot ni Lyca Gairanod nang hingin ng Cabinet Files ang reaksiyon niya sa viral song na “Puede Nang Mangarap,”
Ang awitin ang debut single ni Lyca matapos niyang manalong grand champion sa Season 1 ng The Voice Kids Philippines ng ABS-CBN noong July 2014.

Ikinuwento ni Lyca na papasok ang buwan ng Setyembre 2026 nang malaman niyang viral ang “Puede Nang Mangarap,” na kanyang ini-record noong sampung taon gulang lamang siya.
Ayon sa kanya, nagising na lamang siya sa dami ng mga notification na natanggap niya sa kanyang cellphone.
“Papasok po yung September. Nag-start po kasi siya sa memes. Tapos, ang dami nang nagta-tag sa akin.
"Masaya po at natutuwa po ako na nagba-viral yung 'Puede Nang Mangarap.'
"Ngayon po, nire-request na siyang kantahin ko. Gusto ng mga tao na kinakanta ko ang 'Puede Nang Mangarap,'" sabi ni Lyca.
Nauunawaan na raw niya nang lubusan ang kahulugan ng lyrics ng debut single niya dahil 21 years old na siya ngayon.
“Malalim po siya kasi story po siya ng buhay ko kaya mas naiintindihan ko na ngayon,” ani Lyca.
Nakausap ng Cabinet Files si Lyca pagkatapos ng guesting niya sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Martes, Oktubre 6, 2026.
Patunay ng popularidad ni Lyca at ng "Puede Nang Mangarap" ang pagpunta ng mga empleyado ng GMA-7 sa studio ng Fast Talk dahil sa kagustuhang makita siya nang personal, at magpakuha ng video at litrato na kasama siya.
Read: Martin Nievera reveals why he never misses Christmas with Santino
LYCA'S THE VOIKCE KIDS PH JOURNEY
Walo ang mga kapatid ni Lyca, at tatlo silang mahusay kumanta.
Ang panganay na kapatid ni Lyca na si Jessa Gairanod, 30, ang instrumento kaya sumali siya sa Season 1 ng The Voice Kids noong 2014.
Sixteen years old si Jessa nang mamasukan itong kasambahay sa Cavite para makatulong siya sa kanilang pamilya.
Nang mapanood ni Jessa ang TV plug tungkol sa auditions para sa The Voice Kids Philippines, tinawagan niya agad sa telepono ang kanilang ina at sinabihan itong isali si Lyca.
Limitado ang kaalaman ng pamilya ni Lyca tungkol sa talent search program ng ABS-CBN dahil walang kuryente sa bahay nila at dala ng sobrang kahirapan, wala rin silang TV set.
And the rest is history dahil nakapasok at hinirang si Lyca na grand champion sa singing contest na kanyang sinalihan.
Mula nang magwagi si Lyca sa The Voice Kids Philippines, huminto na si Jessa sa pamamasukan dahil siya na ang tumatayo bilang driver, security, at personal manager ng kanyang nakababatang kapatid.
Si Jessa ang madalas na kasama ni Lyca sa lahat ng mga show nito sa Pilipinas at sa iba’t ibang bansa.