Hindi lamang theater, television, at movie actor si Raf Pineda, 31, dahil in-demand tarot reader din siya.
Sina Judy Ann Santos, Miles Ocampo, Jillian Warrd, Dylan Yturralde, CJ Cansino, at ang singer na si Denise Julia ang ilan sa mga personalidad na ginabayan ni Raf bilang tarot reader.
Pitong taon ang edad ni Raf nang matuklasan nito ang kanyang kakaiba na pagkatao pero inumpisahan lamang niya ang tarot reading noong 22-years old siya.
"Na-discover ko mismo yung tarot reading as a medium nine years ago.
"But during the time na bagets ako like seven years old, meron na talaga akong mga nararamdaman na weird.
"Akala ko nung bata ako, normal ‘yon kasi bata ka. Hindi mo talaga alam. Like for example, I always dream of people dying and they died. Usually mga kamag-anak ko.
"Natatakot ako, lalo na dati. Parang hala bakit namatay?" kuwento ni Raf tungkol sa kanyang natuklasan na kanya raw pambihirang kakayahan.
Hindi kumpleto ang araw niya kapag hindi niya ginagawa ang tarot reading.
"Sixty percent of my time is nasa tarot reading kasi since nauso na si TikTok, parang accessible na ang mga tao for a reading.
"At dahil ilang years ko nang ginagawa, hinahanap ko na rin siya. Parang hindi kumpleto ang araw kapag wala akong tao na binabasahan ng tarot.”
Bilang nahasa na tarot reader siya, nagtanong ang Cabinet Files kay Raf kung may pag-asa pa ang Pilipinas dahil sa mga problema na nangyayari sa ating bansa na lalong nagpapahirap sa mga Pilipino.
"Actually, may mga nagtanong na niyan and I always tell them, yes meron pang pag-asa,” ang reaksyon ni Raf.
"Since tarot is all about being aware of the energies, patterns, possibilities and sometimes consequences of the choices we make, bilang isang mamamayan ng Pilipinas, need din nating maging aware sa kung ano ba yung kailangan baguhin sa atin as a person kasi ultimately yun din ang babago at magbibigay ng pag-asa sa Pilipinas.
"At the end of the day, tayo pa rin ang gagawa ng desisyon at aaksyon sa sarili nating buhay.
"Tinutulungan lang tayo ng mga baraha na ma-realize ang magagandang desisyon. “
"Ganoon din sa Pilipinas, collectively as a Filipino, kailangan natin na ma-realize at maging aware sa mga desisyon at aksyon na gagawin natin para sa ating bansa.”
Read: How Christiana Zaleta found a confidante in Judy Ann Santos
RAF PINEDA ON CALL MY MANAGER STINT
Si Raf ang isa sa mga gumanap na road manager ng SAM Talent Agency sa Philippine adaptation ng Call My Manager na napapanood sa HBO Max.
Dahil nahasa sa pag-arte sa teatro, naging madali para kay Raf ang karakter na ginampanan at napansin ang kanyang husay sa mga eksena niya.
Panahon ng coronavirus pandemic nang matanggap ni Raf ang imbitasyon na sumali sa auditions para sa Call My Manager, na ikinonsulta niya sa tarot cards na nagbigay sa kanya ng positibo na pakiramdam.
"Nung time na in-invite ako na mag-audition for Call My Manager, I actually asked the Lord, the universe, for a sign.
"Coming from theater, tapos biglang nag-pandemic, nag-ask ako ng sign kung dapat ko pa bang ituloy ang pag-arte kasi kung hindi na siya para sa akin. I’m happy to discover and explore other craft, profession.
"Pero dumating si Call My Manager so parang sa akin, yun ang answer ni Lord and nung time na ‘yon.
"Sabihin ninyo na delulu ako pero ang feeling ko talaga, may something na darating. Hindi ko lang alam kung ano ‘yon,” ani Raf.