Si Ai-Ai delas Alas ang ipinalit kay Boobay sa U.S. tour nila ni Super Tekla matapos muling nagkaroon ng problema sa kalusugan ni Boobay.
Nahimatay si Boobay sa Palms Hotel, Las Vegas, noong Oktubre 13, 2026, kaya tinawagan ang national emergency number na 911 para saklolohan siya.
Labis na nag-alala ang producers ng U.S. tour nina Boobay at Tekla sa kalagayan ng komedyante kaya nagpasya silang palitan siya.
Nagkataong nasa Amerika si Ai-Ai para sa show ng Kapuso stars sa Pinoy Festival, Las Vegas, na naganap mula Oktubre 9 hanggang Oktubre 11, 2026.
Siya ang pinakiusapan ng mga producer ng U.S. tour na pumalit kay Boobay.
Nagdesisyon ang producers na pauwiin na lamang si Boobay sa Pilipinas.
Pabor ito sa komedyante para makapagpahinga ito dahil sunud-sunod na ang mga pagsubok na pinagdaraanan ng kanyang kalusugan.
May mga insidenteng nakunan ng video na nahimatay si Boobay habang nagtatanghal sa Pilipinas kaya marami ang nag-aalala sa kalagayan niya.
Read: Boobay faints onstage during Mindoro event, alarming fans
FROM BOOBAY & TEKLA TO AI-AI & TEKLA
Importanteng malaman ng Filipino community sa Amerika na si Ai-Ai na ang makakasama ni Super Tekla sa mga show nila ni Boobay sa Amerika para hindi malito ang mga bumili ng tickets.
Ang mukha at pangalan nina Boobay at Tekla ang makikita sa mga lumang poster ng U.S. tour.

Mula sa Boobay & Tekla Comedy Tour, AiAi & Tekla Comedy Tour na ang pamagat ng tatlong shows na pagsasamahan nina Ai-Ai at Tekla sa The Noypitz sa Long Beach, California, sa Oktubre 16; The Nile Theater, Bakersfield, California, sa Oktubre 17; at Bal Theater, San Leandro, California, sa Oktubre 18.

Read: Boobay explains health condition: "Seizure para sa mga babies"