Opisyal na isinumite ng Cup of Joe sa Asian Pop Music Performance category ng 69th Grammy Awards ang kanilang kantang “Sandali.”
Nag-umpisa noong Oktubre 12, 2026 at natapos noong Oktubre 22, 2026 ang unang round ng botohan para sa naturang kategorya.
Nakatakda naman sa Nobyembre 16, 2026 ang announcement sa mga opisyal na kalahok.
Napag-usapan ang pagbabakasakali ng Cup of Joe na makabilang ang “Sandali “ sa Asian Pop Music Performance category ng 69th Grammy Awards nang humarap sila sa media conference para sa Cup of Joe Symphony nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 23, 2026.
Gaganapin ang kanilang concert na magkasunod na gabing itatanghal sa Araneta Coliseum, Quezon City, sa Disyembre 3 at Disyembre 4.
Read: Cup of Joe: From high-school band to OPM hotshot
CUP OF JOE THANKSGIVING CONCERT
Pinili ng Cup of Joe ang mga nabanggit na petsa bilang year-end thanksgiving sa kanilang mga tagahanga at tagasuporta.
Tatlong magkakasunod na gabi ng pagtatanghal ng Symphony ang unang plano ng grupo, pero nagkaroon ng pagbabago.
Paliwanag ni Gian Bernardino: “Ang pinaka-goal noong una ng concert, it’s a year-end thanksgiving concert kasi it’s been another big year for us, just like 2025.
"Pero kaya December 3 and 4 kasi we’re gonna be having another show sa Dubai after that week.
“Lilipad kami with Sir Bamboo na naka-collab po namin sa last concert namin. Everything just fit sa schedule namin.
“Actually, ina-eye naming maging three-night concert ang Symphony kaso may naka-schedule na sa Big Dome ng December 5,” sabi ni Gian.
Makakasama ng Cup of Joe sa Symphony ang 30 miyembro ng Orchestra of the Filipino Youth na isang bagong karanasan para sa kanila dahil hindi madaling pagtagpuin ang mga schedule nila.
Pero ayon pa rin kay Gian, “Na-set naman na po kaya the stars are aligning for us.”
Dahil sa Disyembre ang Symphony concert, tiniyak ng Cup of Joe na kakantahin nila ang kanilang kaisa-isang Christmas song na “Alas Dose.”
Komposisyon ng Cup of Joe ang "Alas Dose" noong mga teenager pa sila, at isa ito sa mga madamdaming kanta na kanilang nilikha na inaasahang higit na magiging makabuluhan kapag inawit nila, kasama ang Orchestra of the Filipino Youth.