Hindi napigilan ni David Licauco na magpahaging sa ilang dumalo sa media conference ng Philippine adaptation ng Fight for My Way matapos niyang mapansing abala sa paggamit ng cellphone ang karamihan sa mga nasa harap niya.
Naganap ang media conference sa Tektite Auditorium, Pasig City, noong Martes ng hapon.
Kasama ni David na humarap sa media ang kanyang co-stars na sina McCoy de Leon, Aubrey Caraan, at Ashtine Olviga, pati ang direktor na si Crisanto B. Aquino.
Nagsimula ang hindi inaasahang komento ni David nang tanungin siya tungkol sa eksenang pinakanagustuhan niyang gawin para sa serye.
Ayon sa aktor, isa sa mga paborito niya ang high school scenes nila ni McCoy dahil naalala niya ang panahong wala pa siyang gaanong iniintinding responsibilidad.
“Yung sa akin, yung high school scenes namin ni McCoy kasi it felt like I was in high school. We were in high school, di ba?
“Parang ang sarap balikan na high school ka, medyo carefree. Hindi mo iniisip yung gagawin mo bukas.
"Gaya ngayon, iniisip ko kung ano ang gagawin ko bukas,” kuwento ni David.
Mula sa pag-alala sa kanyang high school days, biglang napunta ang usapan sa mga taong nasa media conference.
Diretsahang sinabi ni David na tila gusto nang umuwi ng ilan sa mga dumalo dahil abala ang mga ito sa kanilang cellphone sa halip na makinig.
“So, lahat tayo ganoon. For sure, kayo gusto ninyo nang umuwi. Hindi nga kayo nakikinig, e… o… o.
“Lahat nagpo-phone, di ba, so yun.
"Nakaka-miss lang din yung high school time na walang cellphone. Bawal mag-cellphone,” saad niya.
Nagkaroon ng ilang sandaling awkward silence matapos ang kanyang pahayag.
Mula sa kinauupuan ni David, kitang-kita niya ang mga taong gumagamit ng cellphone habang nagsasalita sila ng kanyang mga co-star at direktor.
Bagamat hindi niya pinangalanan o direktang tinukoy ang sinuman, kapansin-pansing hindi niya pinalampas ang kanyang obserbasyon.
Read: David Licauco lands Park Seo-joon’s role in Fight for My Way
DAVID LICAUCO ON PLAYING PARK SEO-JOON'S CHARACTER
Samantala, ginagampanan ni David sa Philippine adaptation ng Fight for My Way ang karakter na orihinal na ginampanan ng South Korean superstar na si Park Seo-joon.
Inamin ni David na noong una ay plano niyang gayahin ang paraan ng pag-arte, pagkilos, at pagsasalita ni Park Seo-joon.
Gayunman, nagbago ang diskarte ng aktor nang maramdaman niyang hindi natural sa kanya ang panggagaya.
“Pinlano ko na gayahin yung nuances, yung kung paano siya gumalaw, kung paano siya magsalita, medyo mabilis.
"Pero nung nag-shoot na kami ng first day, I felt uncomfortable dahil hindi ako yon, di ba?
“Tinanong ko si Direk and he gave me the blessing na just be yourself so that really helped me.
"But again, this is an adaptation so kailangan pa rin na somehow same, somehow similar.”
Sa halip na gayahin nang eksakto si Park Seo-joon, pinili raw ni David na pag-aralan ang mga eksena upang mas maintindihan ang pinanggagalingan ng kanyang karakter.
Naging malaking tulong din kay David ang panonood ng original Korean series bilang paghahanda sa mga eksenang gagawin niya.
“What I try to do, panoorin yung mga eksena para lang malaman ko kung saan nanggagaling, kung paano ito sinabi.
“Actually, na-enjoy ko nga, e, na parang sana yung next ko adaptation din para hindi na ako masyadong nagbabasa. Sa totoo lang!” natatawang pag-amin ni David.
Read: Ashtine Olviga, David Licauco hit by dating rumors before taping
DIREK CRISANTO'S FIRST IMPRESSION OF DAVID
Sa parehong media conference, inamin naman ni Direk Crisanto B. Aquino na nagkaroon siya ng pangamba tungkol sa pakikipagtrabaho kay David bago nagsimula ang shooting ng Fight for My Way.
Mapapanood ang serye sa Viva One simula Nobyembre 20, 2026.
Ayon sa direktor, mahalaga sa kanya ang ugali at propesyonalismo ng mga artistang makakasama niya sa isang proyekto, lalo na kung ilang buwan silang magkakasama sa trabaho.
Dahil dito, nagtanong muna siya sa mga kakilalang nakatrabaho na ang mga bida ng serye.
Lahad ni Direk Crisanto: “I even asked my friends, 'Kumusta si David?' I always ask people.
"Kay Ashtine, I asked some of the production people na nakatrabaho niya kasi mahalaga sa akin ang attitude.
“Sobrang mahalaga sa akin yung genuine attitude ng isang tao kasi papakisamahan ko siya for almost four months.
“Kung toxic siya, mato-toxic ako, mato-toxic lahat.
"And I am so happy and proud sa mga ito kasi wala akong problema kahit isa sa kanilang apat.”
Aminado rin si Direk Crisanto na noong una ay inakala niyang suplado si David.
Pero matapos silang magkasama sa trabaho, napagtanto raw niyang likas lamang na tahimik ang aktor.
Aniya, “Sobrang professional, mababait. They’re kind.
"Akala ko nung una, si David suplado, pero ganoon lang pala talaga siya. Ganyan lang talaga siya kapag nakilala mo siya.”
Bukod sa pagiging propesyonal, pinuri rin ng direktor ang pakikisama ni David at ang kanilang mga simpleng kuwentuhan sa set.
Para kay Direk Crisanto, nakatutulong ang magandang relasyon ng direktor at artista upang maging mas maayos ang kanilang trabaho.
“Lagi kaming nagkukuwentuhan. I appreciate our small talk.
"Kapag ganoon kasi yung artista, madali mo na silang paartehin. They’re genuinely magaling na artista.
“And na-prove ko yon, David is really a kind person. A deep person,” pagtatapos ng direktor.
Read: Kris Aquino’s ideal partner? A doctor who won’t panic if she stops breathing