Naglabas ng pahayag ang pamilya ng woodcarver na si Pio Fadul, 69, matapos mabahala ang ilang taong nakakakilala sa kanya sa Halloween special ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) na ipinalabas noong Linggo, Nobyembre 1, 2026.
Sa segment na pinamagatang "Ukit" sa Gabi ng Lagim episode ng KMJS, ibinahagi ng Lily (dating Callalily) guitarist na si Nathan Reyes ang mga naranasang kababalaghan mula nang iuwi niya ang regalong La Pieta wood carving matapos mag-perform ang kanilang banda sa Paete noong 2024.

Isa si Pio sa mga kinikilalang mahusay na manglililok sa Paete, Laguna.
Naging sentro siya ng pag-aalala ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at kliyente matapos maiugnay sa isang nakakatakot na kuwento ang isa sa kanyang mga likhang-ukit sa kahoy.
Dahil pag-uukit ang pangunahing ikinabubuhay ni Pio, nangangamba ang mga nagmamalasakit sa kanya na magkaroon ng maling impresyon ang publiko tungkol sa kanyang pagkatao at sa kanyang sining.
Isa sa mga bumuo ng Message of Clarification and Appreciation na inilabas ng pamilya ay ang apo niyang si Nikolai Gabinete.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, ipinaliwanag ni Nikolai kung bakit sila nagpasyang maglabas ng pahayag.
Ikinadismaya raw niya ang napanood dahil, sa kanyang pananaw, “parang nasiraan” ang kanyang lolo.
Saad ni Nikolai: “Gets ko na layunin ng isang programang horror na maghatid ng takot, kaba, at misteryo, lalo na tuwing Undas.
"Pero naniniwala ako na mahalaga pa rin ang pagiging responsible sa paglalahad ng mga kuwento na may kinalaman sa totoong mga tao, sa kanilang mga likha at sa kanilang reputasyon.
“Creative story telling is one thing, but providing proper context matters especially when an artist’s work and legacy are involved.
"Horror can be a part of a story, but it should not become the only lens through which people see an artist’s work and legacy,” paliwanag ni Nikolai.

PIO FADUL'S MENTAL HEALTH CONDITION
Kinumpirma rin ni Nikolai sa Cabinet Files na may mental health condition ang kanyang lolo.
“Ayon po sa aking nanay, may naging medical confirmation na may mental health condition ang aming lolo.
“May pagkakataon po noon na dinala siya sa isang mental facility dahil sa kanyang paulit-ulit na pagpunta sa bundok at hindi po siya mapigilan.
“Sinasabi ng aking lolo na nagpakita raw sa kanya ang Diyos Ama at ang Birheng Maria kaya pumunta siya sa bundok at doon nag-ukit,” kuwento niya.
Ipinaliwanag ni Nikolai na naglabas sila ng paglilinaw dahil marami sa mga nagmamalasakit kay Pio ang nabahala at nagpaabot ng mensahe sa pamilya matapos mapanood ang Halloween special ng KMJS.
“Kaming mga apo po ang gumawa ng statement at na-push kami na magbigay ng pahayag dahil marami sa concerned citizens ang nag-reach out sa amin,” ani Nikolai.
Read: Comedian Ate Gay dies at 55 after cancer battle
PIO FADUL'S FAMILY STATEMENT
Sa kanilang Message of Clarification and Appreciation, ipinaliwanag ng pamilya Fadul na hindi nila inaasahang gagamitin ang likha ni Pio bilang bahagi ng isang kuwentong katatakutan.
Binigyang-diin din nila na nauunawaan at iginagalang nila ang karapatan ng taong nagbahagi ng personal na karanasan sa programa.
Gayunman, nais nilang mabigyan ng mas malawak na konteksto ang pagkatao ni Pio, ang kanyang pinagdaanan, at ang halaga ng kanyang mga likha.
Narito ang buong pahayag ng pamilya Fadul:
“Nais naming magbigay-linaw tungkol sa kamakailang segment ng Gabi ng Lagim na nagtampok kay Pio Fadul at sa isa sa kanyang mga likhang-ukit sa kahoy.
“Nagpapasalamat kami sa pagkakataong makapanayam ng KMJS. Sa kabila nito, hindi namin inaasahan na ang likha ni Pio Fadul ay gagamitin bilang bahagi ng isang kuwentong katatakutan na maaaring magdulot ng maling impresyon tungkol sa kanya at kanyang mga likha.
“Nauunawaan namin na ang kuwento ay nakabatay sa personal na karanasan ni Nathan. Nirerespeto namin ang kanyang karapatang ibahagi ang kanyang naranasan at hindi namin layuning kuwestiyunin ito.
“Ang nais lamang naming iparating ay ang aming pag-aalala sa paraan ng pagkakalahad ng kuwento, dahil hindi nabigyan ng sapat na pagpapaliwanag ang pagkatao ni Pio Fadul, ang kanyang pinagmulan bilang isang woodcarver, at ang tunay na halaga ng kanyang mga likha.
“Ang tinutukoy ng kanyang Misis/Asawa tungkol sa kanyang pahayag ay hindi tungkol sa KABABALAGHAN kundi tungkol sa pinagdaanang sakit sa pag iisip ng kanyang asawa na si Pio.
“Maraming taon at panahon ang inilaan ni Pio Fadul upang paghuasayin ang kanyang talento sa pag-uukit sa kahoy. Ang kanyang mga likha ay bunga ng kanyang pagmamahal sa sining at bahagi ng tradisyon ng pag-uukit na matagal nang ipinagmamalaki ng Paete, Laguna kaya naman nakalulungkot na maaaring maiugnay na lamang ng mga manonood ang kanyang mga likha sa sumpa o sa mga bagay na may kaugnayan sa demonyo, sa halip na makita ang husay, talento, at dedikasyon sa bawat obra.
“Nais naming pasalamatan ang lahat ng nagpaabot ng kanilang suporta, pag-aalala, at magagandang mensahe sa aming pamilya. Malaking bagay sa amin ang inyong pag-unawa at patuloy na pagtitiwala. Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng patuloy na kumikilala at nagpapahalaga sa mga likha ni Pio Fadul.
“Umaasa kami na patuloy na pahahalagahan ang mga likha ni Pio Fadul hindi dahil sa mga kuwentong iniugnay sa mga ito, kundi dahil sa tunay na sining, pagsisikap, at pagmamahal na inilaan niya sa bawat likhang ukit.
"Ang aming sining ay nagkukuwento ng husay at dedikasyon, hindi ng takot."
“Maraming salamat sa patuloy ninyong pagsuporta sa lokal na sining, at sa tradisyon ng pag-uukit sa Paete, Laguna.”
Read: Arnell Ignacio mourns fellow comedians Arnell Tamayo, Ate Gay
NATHAN REYES CLARIFIES KMJS INTERVIEW
Sa kanyang komento, ipinaliwanag ni Nathan Reyes ang konteksto ng panayam sa kanya ng KMJS, kung saan itinampok ang isa sa mga likhang-ukit ni Pio Fadul sa Halloween special nitong Gabi ng Lagim.
Humingi rin siya ng paumanhin sa pamilya Fadul at sa bayan ng Paete dahil sa kalituhang idinulot ng pagkakalahad ng kuwento.
Saad niya: "Hello po, ako po si Nathan yung nabigyan ng Ukit mula kay Among Pio.
"Nais ko magbigay ng paumanhin regarding po dito sa Ukit as before I even agreed to the interview, we needed to make sure na balanced and hindi po ma affect yung livelihood and reputation ni Among Pio.
"Although I understand na may iba’t bang style of reporting but the focus should’ve just be on the object and hindi naka focus sa kung sino and saan galing kasi it can be any artwork or kahit any object.
"Regarding po sa nangyari, it is true na may mga kababalaghan na nangyari sa bahay po namin 2 years ago and na videohan po yung entity sa rocking chair and upon consultation it might be na nasa kahoy or sa mga objects made of natural elements po but not the sculptor himself.
"Nabangit din po ito sa documentary pero hindi po nabigyan ng diin and short lang yung clip.
"Mahilig din po kami mag collect ng mga artifacts as a family so nung natangap ko po ang obra ni Among Pio ay tuwang tuwa po ako. Malaking papasalamat po ako sa bayan ng Paete at kay Among Pio as it is a privilege na makatangap ng ganun kalidad na ukit and it is also the heritage and cultural uniqueness ng bayang Paete.
"Regardless po, I assume responsibility and I have reached out po sa team sa KMJS regarding the situation po to rectify the narrative.
"Regardless din po of the response, it is my responsibility to portray the truth and will address it publicly given the platform (podcasts, socmed) and opportunity.
"Again, nais ko po maghingi ng paumanhin sa confusion that it caused and disappointment sa bayan ng Paete at sa pamilya ni Among and we will rectify this.
"Mabuhay po ang bayang Paete and Among Pio Fadul"
Tinawagan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Corporate Communications ng GMA Network upang kunin ang panig ng pamunuan ng KMJS kaugnay ng isyung ito.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pa kaming natatanggap na tugon.
Mananatiling bukas ang PEP sa panig ng lahat ng nabanggit sa artikulong ito.
Read: Andrea Brillantes reveals secret behind her "naked" Halloween look