Maaaring hindi na umabot sa deklarasyong persona non grata ang kontrobersiyang kinasangkutan ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) matapos maglabas ng paglilinaw at paghingi ng paumanhin ang pamunuan ng programa sa pamilya ng woodcarver na si Pio Fadul at sa bayan ng Paete, Laguna.
Gayunman, nagtakda ng 15 araw ang Sangguniang Bayan ng Paete para matugunan ng GMA Network at KMJS ang mga kahilingan nito.
Kung hindi ito masusunod, maghahain umano ang konseho ng panibagong resolusyon para ideklarang persona non grata ang mga kinauukulang organisasyon at personalidad.
Nakasaad ito sa Resolusyon Bilang 166 na binuo at pinagtibay ng Sangguniang Bayan nitong Martes, Nobyembre 3, 2026.
Ayon sa isang bahagi ng resolusyon: “Kung ang kahilingan ng Pamahalaang Bayan at ng Kgg. Sangguniang Bayan ay hindi matugunan ng kinauukulang TV Network at programa sa nilolooban ng labinglimang araw (15) pagkatapos nilang matanggap ang sipi ng Resolusyong ito, maghahaing muli ang Kgg. Sangguniang Bayan ng Paete ng Resolusyon na magdedeklara ng Persona Non Grata sa mga kinauukulang organisasyon at personalidad.”
Read: Paete woodcarver's family raises concern over KMJS' "Gabi ng Lagim" feature
PAETE COUNCIL'S CONCERNS OVER KMJS HORROR FEATURE
Nag-ugat ang kontrobersiya sa “Gabi ng Lagim XIV,” ang Halloween special ng KMJS na ipinalabas sa GMA-7 noong Linggo, Nobyembre 1, 2026.
Nababahala ang mga residente ng Paete na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa industriya ng pag-uukit sa kanilang bayan ang kuwentong katatakutan na itinampok sa programa.
Ilang oras bago naglabas ng paglilinaw at paghingi ng paumanhin ang KMJS, tinalakay na ng Sangguniang Bayan ang isyu.
Dito nabuo ang Resolusyon Bilang 166 na naglalayong pangalagaan ang dangal, reputasyon, kultura, at mayamang tradisyon ng Paete.
Kabilang sa mga hinihingi ng konseho sa GMA Network at KMJS ang paliwanag at pagtutuwid sa umano'y hindi tamang paglalarawan sa pamanang sining ng pag-uukit sa kanilang bayan.
Sa resolusyon, inilatag ng Sangguniang Bayan ang mga dahilan ng kanilang pagkabahala.
Una, iginiit nilang kahit binanggit sa programa na ang sinasabing sumpa ay nagmula sa kahoy na ginamit at hindi sa intensiyon ng nag-ukit, nanatili pa rin umano ang mapanligaw na impresyon na may kaugnayan sa sumpa at kapahamakan ang mga likha ni Pio.
Nakasaad sa resolusyon: “SAPAGKAT, bagama't binanggit mismo sa programa na ang sinasabing sumpa ay nagmula sa kahoy na ginamit at hindi sa intensiyon ng nag-ukit, nanatili ang mapanligaw na impresyon na ang mga likha ni G. Pio Fadul ay may kaugnayan sa sumpa at kapahamakan, na maaaring makasira sa kanyang reputasyon bilang isang alagad ng sining;
“SAPAGKAT, pinagtibay pa ang naturang paglalarawan ng mga pahayag ni Nathan Reyes, gitarista ng bandang Lily, at tahasang pinangalanan niya sa programa si G. Pio Fadul at ang Bayan ng Paete bilang pinagmulan ng mga nasabing ukit, gayong nararapat sanang isaalang-alang ang wastong konteksto at pag-iingat sa pagkakakilanlan ng mga taong sangkot;”
Read: Arnell Ignacio mourns fellow comedians Arnell Tamayo, Ate Gay
PAETE COUNCIL CLARIFIES MAYOR'S ROLE
Nilinaw rin ng konseho na walang intensiyon ang alkalde at iba pang kinatawan ng lokal na pamahalaan na mamahagi ng mga ukit na may sumpa sa mga panauhin ng bayan, kabilang ang mga regalong iniugnay sa bandang Lily.
Ayon sa resolusyon: “SAPAGKAT, nararapat ding linawin na walang intensiyon ang Punong Bayan at ang iba pang kinatawan ng Pamahalaang Bayan-na pawang nabanggit sa programa-na mamahagi ng mga ukit na may sumpa sa mga panauhin ng bayan, kabilang ang mga regalong iniuugnay sa bandang Lily, at ang mga ito ay ipinagkaloob nang walang anumang layuning magdulot ng takot o kapahamakan;”
Binanggit din sa resolusyon na nakatanggap ang Sangguniang Bayan ng liham mula sa Tanggapan ng Punong Bayan na humihiling ng paliwanag at pagtutuwid mula sa GMA Network at KMJS.
Isa pang ikinabahala ng konseho ang lawak ng pagkalat ng naturang segment sa telebisyon at social media.
“SAPAGKAT, ang nasabing programa ay malawakang kumalat sa buong mundo sa pamamagitan ng national television at social media, kabilang ang YouTube at Facebook, kung saan nakapagtala ito ng humigit-kumulang 870,000 views sa YouTube at 1.1 milyong views sa Facebook sa loob lamang ng dalawampu't apat (24) na oras, batay sa mga naobserbahang bilang. na nagpapalawak sa posibleng epekto ng naturang paglalarawan sa pananaw ng publiko;”
Ayon pa sa konseho, maaaring maapektuhan ng ganitong paglalarawan ang tiwala ng mga mamimili, turista, kolektor, at iba pang tumatangkilik sa mga likhang-ukit ng Paete.
Posible rin umanong maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na mag-uukit at ang ekonomiya ng bayan na nakasalalay sa tradisyon ng pag-uukit.
Binanggit din nila ang Seksyon 16 ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991, na nagtatakda sa tungkulin ng lokal na pamahalaan na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayan.

PAETE SEEKS PUBLIC CLARIFICATION AND APOLOGY
Sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 166, hiniling ng Sangguniang Bayan sa GMA Network at sa pamunuan ng KMJS ang pampublikong paglilinaw at taos-pusong paghingi ng paumanhin sa bayan ng Paete at sa pamilya ni Pio Fadul.
Iginiit din ng konseho ang kahalagahan ng responsableng pamamahayag, wastong konteksto, at paggalang sa kultura, paniniwala, at pagkakakilanlan ng bawat mamamayan.
Para sa mga taga-Paete, ang pag-uukit ay hindi lamang hanapbuhay kundi bahagi rin ng kanilang kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan bilang “The Carving Capital of the Philippines.”
Dahil naglabas na ng paglilinaw at paghingi ng paumanhin ang KMJS sa pamilya Fadul at sa mga taga-Paete, inaasahang matutuldukan na ang kontrobersiyang dulot ng “Gabi ng Lagim XIV.”
Read: KMJS apologizes to Pio Fadul's family, Paete woodcarvers over "Gabi ng Lagim" feature