Ngayong Miyerkules, Nobyembre 4, 2026, ang ika-29 kaarawan ni Bea Binene.
Pero sa panayam sa kanya ng Cabinet Files, sinabi ng Viva actress na hindi siya magkakaroon ng selebrasyon.
Hindi rin mangyayari ang nakaugalian ni Bea na magdiwang ng kaarawan sa ibang bansa dahil hindi siya nakapagplano.
“Usually kapag birthday ko, nagta-travel kami, kaya lang parang may schedule dapat sa calendar na biglang naurong so hindi na kami nakapag-plan ng travel.
"Baka sa bahay na lang, kain with the family,” saad ni Bea.
Wala raw siyang maisip na materyal na bagay na regalo para sa sarili.
BEA BINENE ON BOX-OFFICE SUCCESS OF PEE MAK
Ayon sa Viva Films, lumampas na sa PHP100 million mark ang box-office gross ng Philippine adaptation ng Thai blockbuster movie na Pee Mak.

Isa itong dahilan para makumpleto ang kaarawan ni Bea dahil malaking sorpresang kumita sa takilya ang unang pelikula ng loveteam nila ni Wilbert Ross.
Pero ayaw angkinin ni Bea nang solo ang tagumpay ng Pee Mak.
Naniniwala siyang malaki ang kontribusyon ng co-stars nilang sina TJ Valderrama, Vandolph Quizon, Jairus Aquino, at Gian Bernardino.
Saad niya: “Ang mahal nang manood ng sine ngayon so nagpapasalamat ako, pero ayokong i-take lahat ng credit.
“Hindi lang naman yon dahil sa amin ni Wilbert. Yung Pee Mak is parang ensemble, teamwork po ng lahat.
"Malaking bagay po sina TJ, Gian, Jairus Aquino, at si Kuya Vandolph.
“I would say na hindi lang kami ni Wilbert dahil lahat talaga may kontribusyon sa Pee Mak.”
Read: 2 Valid IDs, Pee Mak, Always Yours score at box office
FROM STREAMING TO BIG SCREEN LOVETEAM
Natuuwa si Bea sa "from streaming to big screen loveteam" nila ni Wilbert.
Aniya, "Parang kinilig po ako kasi alam naman natin na iba pa rin talaga ang pelikula.Iba pa rin ang suporta at pagtangkilik ng mga tao.”
Sina Bea at Wilbert ang mga bisita ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda noong Martes, Nobyembre 3, 2026.
Pinag-usapan ang kanilang guesting dahil sa pagdedebate nila tungkol sa iba’t ibang isyu.

Pero imbes na maapektuhan, naaliw ang mga tagahanga nina Wilbert at Bea sa parang mag-asawa na pagsasagutan at “pag-aaway” nila sa national television na kakaiba sa nakasanayang tila scripted na paglalambingan ng ibang mga loveteam.
Ipinaliwanag nina Wilbert at Bea sa Cabinet Files na normal lamang sa kanila ang “pag-aaway” na napanood sa telebisyon kaya walang dapat ikaalarma ang mga tagasuporta nila.
Maaaring nanibago lamang ang publiko dahil ngayon lamang nila nakita sina Bea at Wilbert na nagsasagutan sa harap ng mga TV camera pero sa positibo at nakakatawag paraan.
Read: Bea Binene celebrates Pee Mak success as film reaches PHP40M mark