Nagsadya ngayong Lunes ng umaga, Nobyembre 9, 2026, sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City si Cristy Fermin.
Kasama niya ang kanyang Showbiz Now Na! co-host na si Rommel "Rommel Chika" Villamor at ang kanilang legal counsel na si Atty. Shirley Tabangcura.
May kinalaman ito sa reklamong cyberlibel na inihain ni Claudine Barrettto laban sa kanila.
Noong Oktubre 21, 2026, nagsadya si Claudine sa Cybercrime Division ng NBI para personal na ireklamo sina Cristy at Rommel kay NBI Director Melvin Matibag.
CLAUDINE BARRETTO ON COMPLAINT VS CRISTY FERMIN
Sa panayam kay Claudine, inilahad niya na tinawag siyang "bipolar" ni Cristy sa programa nito sa YouTube.
"Since last year na hindi niya talaga ako tinatantanan. Ito na yung last straw talaga. Hindi talaga siya tumitigil," saad ni Claudine sa panayam sa kanya ng mga miyembro ng media.
Pagpapatuloy niya: "I am very hurt. My children are very hurt, my fans are very hurt.
"Walang-wala yung mga complaint ni Bea Alonzo at saka ni Sharon Cuneta sa lahat ng mga pinagsasabi niya sa akin, sa pagkatao ko."
Nang hingan ng mensahe para kay Cristy, "Happy Halloween" ang naging sagot ng aktres.
CRISTY FERMIN ON NBI APPEARANCE
Respeto sa NBI ang rason na sinabi ni Cristy sa Cabinet Files tungkol sa pagpunta nila sa nabanggit na tanggapan na nagpadala sa kanila ng subpoena dahil sa reklamo ni Claudine.
"Respeto namin sa ahensiya ang dahilan kaya kami dumalo sa patawag ng NBI.
"Hindi kami nagbigay ng counter affidavit, hihintayin na lang namin sa piskalya ang pormal na reklamo ni Claudine.
"Si Atty. Shirley Tabangcura ang lawyer namin.Hindi namin nakaharap si NBI Director Melvin Matibag,” ang kuwento ni Cristy tungkol sa pagpunta nila ni Rommel sa NBI.
“Merry Christmas!” naman ang tugon ni Cristy nang tanungin ito tungkol sa mensahe niya para kay Claudine.