Sampung taon na ang nakalilipas, o noong 2016 pa, buhat ng umuwi ng Pilipinas ang ‘90’s teenage actress na si Aiza Marquez, 43.
At naririto siya sa bansa para dumalo sa red carpet premiere ng Remember, ang pelikula na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Ngayong Martes, Nobyembre 10, 2026 gaganapin ang event.
Ang TGIS, Anna Karenina, at Encantadia ang ilan sa mga dating programa ni Aiza sa GMA-7.
Hindi itinanggi ni Aiza na-miss nito ang pag-arte kaya tinanggap niya ang alok na espesyal na partisipasyon sa Remember.
Naninirahan si Aiza sa New York City, USA mula pa noong 2011.
Tinalikuran niya ang showbiz para bumuo ng sariling pamilya pero humantong din sa paghihiwalay ang relasyon nila ng kanyang asawa.
Si Aiza ang bisita ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, Nobyembre 9, 2026.
Hindi niya ipinagkaila na “third party” ang dahilan ng paghihiwalay nila ng ama ng kanyang dalawang anak na may mga edad na 15 at 10.
"Alam ninyo yung mga napapanood sa teleserye? Magkakaisang grupo kayo. Maybe a friend of a friend tapos within a circle, na hindi mo masasabi na yung mga bagay na nangyayari sa teleserye na may something na ginagawa on the side.
"Magkakasama kayo pero hindi mo alam na there’s something going on.
"Kaibigan niya but not mine. So para sa akin, hindi ko alam na posible pala ‘yon na mangyari na within that circle, puwedeng magkaroon ng third party.
"Later na lang. Minsan kasi kapag tinitingnan mo yung mga nangyayari, sasabihin mo, sana hindi totoo," kuwento ni Aiza.
Inamin niyang hindi na niya ipinaglaban ang relasyon nila ng kanyang ex-husband.
"Parang siyempre you’re hanging out together, pero at the same time, there’s something going on within that moment.
"Parang it’s very disrespectful for me," paliwanag ni Aiza tungkol sa desisyon niya.
Pero maayos na raw ang relasyon nila ngayon ng dating asawa niya at co-parenting sila sa kanilang dalawang anak.
Dagdag niya, "Now okay na kami. Before mas nagkakairingan pa kami. Ngayon we’re very civil."
Read: Atasha Muhlach speaks about real score with Jacob Ang
AIZA MARQUEZ ON WORKING IN NEW YORK
May double job siya sa New York para maitaguyod ang kanyang mga anak.
"From 2 P.M. hanggang minsan kukuha ako ng 5 P.M. to 2 A.M. na trabaho. So pupunta ako sa isang job ko, which is I work in a bank and events.
"Runner ako, meaning ako yung naglalabas ng plates for the chef, ako yung nagpa-fire ng foods for the events. And then after that magwe-wedding events naman ako.
"Bakit ko ginagawa ‘yon? Nagtatrabaho ako kasi single mom ako. Siyempre yung kalahati ng suweldo ko napupunta sa nanny.
"At the same time, mapunan ko man yung responsibilities sa mga anak ko. Although may child support naman yung ex ko.
"But still, living in New York is not enough."