Naranasan ni Fyang Smith na magpaanak ng baboy noong teenager pa siya, at ito ang dahilan kaya pinangarap niyang maging doktor.
Pero may ibang plano ang Diyos para sa kanya.
Ikinuwento ni Fyang sa Cabinet Files na pinalad lamang siya na makapasok sa showbiz dahil sa reality show na Pinoy Big Brother: Gen 11.
Pero kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto niyang matupad ang ambisyon na maging manggagamot.
“Never talaga na pumasok ‘yon sa isip ko. Gusto ko talaga maging doktor,” bungad ni Fyang.
May plano ba siya na ipagpatuloy ang pag-aaral?
“Kung bibigyan po ako ng pagkakataon, why not? Very open naman ako na ituloy kung ano ‘yung sinimulan ko.
“Open naman ako kung bibigyan ako ng ganoong opportunity," sagot ni Fyang.
Read: BINI Mikha faces license suspension over viral driving video
FYANG SMITH ON HER HANDS-ON EXPERIENCE
Sa puntong ito niya inalala ang karanasan niyang magpaanak ng baboy.
“It’s a funny story actually kasi yung ginawa ko noon, parang vet siya.
“Noong nanganak yung baboy ng tita ko, hindi mailabas yung pig [biik] so kapag hindi nailabas ‘yon, mamamatay sila both.
“Inutusan ako na baka puwedeng dukutin, so dinukot ko siya ng dalawang kamay ko. Sobrang init as in sobrang init.
“Bata pa po ako noon, teenager. Maliit lang naman ako saka malaki rin yung butas,” ang salaysay ni Fyang.
Iginiit niya na hindi siya nagkaroon ng trauma nang paanakin niya ang baboy ng kanyang tiya.
"Hindi po. I mean, mas nag-enjoy ako. Gusto kong maging doktor!" bulalas niya.
"Ang init sa loob! Promise, di ba, ang funny? Tatlong biik ang nailabas, e, stretchable siya. Basta nag-enjoy ako," paglalarawan pa niya sa pag-aanak ng baboy.
Read: Meet Pinoy Pride and teen athlete Pi Durden Forward Wangkay
FYANG SMITH ON HAUNTED CARNIVAL
Nakapanayam ng Cabinet Files si Fyang sa media conference ng Haunted Carnival, ang official entry ng Regal Entertainment Inc.sa 52nd Metro Manila Film Festival na magsisimula sa Disyembre 25, 2026.
Apo ng karakter ni Maricel Soriano ang ginampanan ni Fyang sa Haunted Carnival, at itinuturing niya na malaking karangalan na makatrabaho ang Diamond Star na maraming aral ang naituro sa kanya.
Taong 1986 nang mangyari ang kuwento ng Haunted Carnival.
At nagpapasalamat si Fyang na hindi siya nabuhay noon dahil sa spray net na ginamit sa kanyang buhok para sa mga eksena niya.
"Buti hindi ako buhay noon," ang sabi ni Fyang kaya natawa ang entertainment press.
"With the hair, ang sakit. Sobrang taas kasi tapos tini-tease pa as in parang ‘80’s.
"Ang sakit-sakit talaga as in tinatanggal ko parati para nakakahinga yung anit ko,” ang nagpakatotooNG lahad ni Fyang tungkol sa kanyang ‘80’s hairdo sa Haunted Carnival.