Magkaiba ang paniniwala ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao at ni 2024 Olympic Gold Medalist Carlos Yulo tungkol sa sexual activity ng mga katulad nila na mga atleta bago sila sumabak sa kumpetisyon o sa kanilang mga laban.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na iniiwasan ni Pacquiao ang sexual activity sa loob ng tatlong linggo o iyong kasagsagan ng kanyang pag-eensayo.
Para mabuo ang disiplina, magkaroon ng mental focus, at maging agresibo ang ilan sa mga dahilan kaya walang sexual activity si Pacquiao bago ito lumaban ng boksing.
Pero iba ang paniniwala ni Carlos.
Read: One thing Carlos Yulo does before every competition, is it effective?
CARLOS YULO SAYS IT'S ALL IN THE MIND
Sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda noong Biyernes, Nobyembre 13, 2026, sinabi niya na “myth” lamang na bawal ang sex bago lumaban sa kumpetisyon ang mga atleta.
"Bawal ba ang sex bago ang event?" ang usisa ni Boy, na humingi muna ng paumanhin sa manonood dahil sa kanyang personal na katanungan kay Carlos.
"I think it’s really a myth kasi naranasan ko na rin siya. Hindi siya nakakaapekto,” ang walang pag-aalinlangan at walang malisya na sagot ni Carlos.
Katuwiran niya, "Sometimes, a great happiness po, di ba, can usually boost you up the next day?
"We’re humans. We’re men, kapag gising mo, okay ka na ulit, e. Mataas na ulit ‘yung testosterones nating mga lalake."
Iginiit niya na base iyon sa personal niyang karanasan.
"I feel like for me po, this is in my case only and my opinion. It’s really here, it’s really in the mind,” ang paliwanag ni Carlos.
Kasama ni Carlos sa guesting niya sa programa ni Boy ang kanyang karelasyon na si Chloe San Jose na napangiti at kinilig habang pinakikinggan ang pahayag ng kanyang fiancé.
Read: Carlos Yulo and Chloe San Jose share their pre-wedding vows
CARLOS YULO WANTS TO BEAT HIS OLYMPICS RECORD
Sa huli, tinanong ni Boy kung ilan ang gold medal na pinakamimithi niya sa Los Angeles Olympics na kanyang sasalihan sa Hulyo 2028.
"I am aiming for three,” ang sabi ni Carlos.
Walang duda sa pahayag niya dahil sa kasaysayan na ginawa niya sa Paris Olympics noong Agosto 2024.
Nanalo si Carlos ng mga gintong medalya sa Men’s Floor Exercise at Men’s Vault sa Gymnastics competition ng Paris Olympics.