"Fur babies" ang may pagmamahal na tawag ni John Arcilla sa mga alagang hayop.
Kaya nasaktan at naapektuhan siya nang husto sa mga pumanaw na pet dog na sa halip na i-cremate ng pinagdalhan na animal crematorium, basta na lamang itinapon at ibinaon ang mga bangkay sa iba’t ibang lugar.
Nabahala, natakot, at nagimbal si John sa mga sinapit ng mga kawaawa na fur babies.
Bunsod nito, hindi siya nagdalawang-isip na suportahan ang panukala na inihain ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Representative Brian Poe Llamanzares, ang House Bill No.11785 (the Beyond Pet Loss and Care Act).
Nagpaliwanag si John tungkol sa naturang panukala ni Llamanzares sa Kongreso.
Nakapanayam siya ng Cabinet Files sa media conference para sa Haunted Carnival, ang pelikula ng Regal Entertainment Inc. na pinangungunahan nila ni Maricel Soriano at opisyal na kalahok sa 52nd Metro Manila Film Festival.
"Meron kaming resolution na ipinasa sa Congress through Brian and Animal Kingdom Foundation, tapos dinala rin sa Senado. Very positive naman sila.
"Bale itong bill na ito ay pino-protect ang lahat ng mga fur parent na magpapa-cremate ng kanilang babies.
"Magmula ngayon, lahat ng mga application at existing pet crematoriums, bubusiin na. Magkakaroon na ng standard procedures, standard requirements kung papaano magtayo.
"Yung mga existing pet crematoriums, ire-review kung tama ba yung kanilang mga ginagamit kasi kung hindi, ipapa-close o hindi sila papayagan.
"Babantayan mismo ng barangay yung mga crematorium at saka ang mga veterinarian sa area, sila mismo ang magsisiguro na tama dapat ang gagawin sa pet.
"So maganda yung bill, sana maipasa," ang paliwanag ni John.
Read: Kris Aquino, Bimby recall unexpected encounter with James Yap
JOHN ARCILLA ON CREMATORIUMS
Dalawampu’t apat na taon nang nagpapa-cremate si John ng kanyang mga pumanaw na fur babies kaya ikinagalit niya nang husto ang paglapastangan sa mga alagang hayop ng may-ari ng pet crematorium na inirereklamo at sinampahan ng mga kaso.
"Masyadong nakakagimbal, nakakatakot, kasi ako, labing-isa yung fur babies ko na na-cremate.
"Minsan, ang hirap niyang sabihin na dog kasi hindi siya simpleng aso, part siya talaga ng family mo.
"Pero ibang pet crematorium ‘yon. Disenteng-disente.
"Pero siyempre, magmula nang mangyari yan, parang gusto mo na rin tanungin, parang gustong mong sabihin na, 'Puwede mo po bang i-review sila o dalawin lang?'
"Tingnan yung facilities kasi pinagkakatiwalaan ko naman talaga."
Read: Carlos Yulo gets candid about sex before a big competition
JOHN ARCILLA ON PETS AS PART OF THE FAMILY
Idiniin ni John na ang aso ay hindi lang basta alagang hayop kundi parte na ng pamilya
"Twenty four years na akong nagpapa-cremate. Hindi yun sa presyo.
"Kaya mo ipina-cremate ‘yon kasi merong nabuong relationship kayong dalawa. Para mo siyang anak, para mo siyang kapatid.
"Companion mo ‘yon, so yung nabuong relationship ay nirerespeto mo at gusto mong bigyan ng dignidad."
Kaya mahalaga raw na mabigyan ng magandang huling hantungan ang mga ito kapag pumanaw na.
"Kaya mo siya inilalagay sa isang vessel para ipuwesto sa maganda kasi nirerespeto mo yung pagmamahalan, yung relasyon ninyo na nangyari, yung pagmamahal na ibinigay sa’yo ng alaga mo.
"So hindi yung pera lang ang in-estafa nila sa yo kundi pati yung trust mo.
"At saka yung pagmamahal na binuo mo sa pamilya mo, winasak ng pet crematorium na ‘yon. Sobrang devastating.
"Isipin mo yung nanay mo, yung tatay mo, yung kapatid mo, makikita mo na lang ‘yung bangkay kung nasaan, gula-gulanit."
