Nagpakita ng kahanga-hangang katatagan ng loob si Bb. Pilipinas Supranational 2018 Jehza Mae Huelar-Simon nang magsalita sa publiko sa unang pagkakataon matapos pumanaw ang kanyang asawa, ang former PBA player na si Peter Jun “PJ” Simon, noong Biyernes, Nobyembre 20, 2026.
Bagamat bakas sa mga mata ni Jehza ang matinding lungkot, nagawa pa rin niyang ngumiti habang nagbabalik-tanaw sa masasayang sandali ng kanilang pagsasama.
“Very short lang yung panahon na ibinigay ni Lord,” sabi ni Jehza nang magpasalamat siya sa lahat ng nakiramay sa kanilang pamilya nitong Linggo ng hapon, Nobyembre 22, 2026.
Ikinuwento rin niya kung gaano kalalim ang pinagsamahan nila ni PJ, kabilang ang pagiging bukas umano nila sa isa't isa tungkol sa kanilang mga nakaraan.
“Sobrang lalim ng pinagsamahan namin. Sobrang deep ng conversations that even our past, our exes, kilala namin, ganoong level.
“Hindi kami nagseselos with our past kasi ang laging motto namin is 'it’s there in the past and always move forward ahead.'
“Bibisita lang tayo sa past to get inspirations, lessons but hindi natin siya dadalhin sa ating pagsisimula sa ating panibagong araw-araw,” saad ng dating beauty queen.
Nakatanggap din si Jehza ng mga kuwento mula sa mga taong nakasalamuha ni PJ.
Pinasalamatan niya ang mga nagbahagi kung paano nakaapekto sa kanilang buhay ang kanyang asawa.
“Alam ko na marami ding napasaya, na-touch na buhay si PJ.
“I’ll try my best na magpatuloy, dahan-dahan, one day at a time.
"Yung sinasabi ni PJ sa akin na, 'Ito ang legacy na maibibigay ko sa inyo and my kids as well are my legacy.'
“So that’s the big responsibility for me and gusto kong hawakan yon na hindi mawawala yung legacy na iniwan niya.”
Nakalagak ang mga labi ng dating basketball player sa Cosmopolitan Funeral Homes sa Poblacion, Davao City.
Read: PBA legend Peter June "PJ" Simon dies at 46
JEHZA MAE HUELAR-SIMON ON SURRENDERING PJ SIMON TO GOD
Sa kabila ng matinding sakit na nararamdaman, sinabi ni Jehza na naniniwala siyang inihanda siya ng kanilang pananampalataya sa mga pagsubok na darating.
“Alam ko na sa mga experiences namin at pag-uusap namin, sa journey namin kay Lord, pine-prepare niya ako sa mga pagsubok na darating sa buhay.
“Right now, masasabi ko naman na somehow even if I am in pain, I know he’s happy.”
Ibinahagi rin ni Jehza ang panalangin niya habang nasa emergency room si PJ.
Sinabi niyang handa siyang isuko ang asawa kung ang pagpanaw nito ay magiging dahilan ng pagdiriwang sa langit.
“Sabi ko nga nung nasa hospital siya, sa ER, sabi ko lang, 'Lord, if this happening or circumstance makes You celebrate something in heaven, give him fireworks, give him a grand entrance, embrace him Lord, then I’ll be okay.'
“Sabi ko talaga, 'Kung itong pagkawala ni PJ, magsasaya ang langit, isu-surrender ko po Lord ang asawa ko.
"Sino ako para hawakan siya? Sino ako para pigilan siya, Lord?'” saad niya.
Binanggit din ni Jehza ang isang pag-uusap nila ni PJ bago ito pumanaw.
Aniya, may mga pagkakataong inaalis sa atin ang mga taong nakasanayan nating sandigan upang matutunan nating tumayo sa sarili nating mga paa.
“And I know, You have a bigger purpose.
"Kasi yung minsan nga namin pag-uusap bago siya nawala, sabi niya, 'Sometimes yung mga situation natin, tinatanggal yung tao kung saan tayo nakadepende, kung saan tayo naka-lean on para matuto tayong tumayo.'
“So, hindi ko alam na yung message na yon, para pala yon sa kanya. Tatanggalin siya sa community, especially sa church namin, to able to stand on our own and dahan-dahan na maging inspirasyon.”
Read: James Yap, Marc Pingris, JC Intal, other PBA stars mourn PJ Simon