Pinatawan ng tig-74 hagupit ng latigo ang Iranian singer na si Parastoo Ahmadi at apat na kasamahan niya kaugnay ng isang online concert noong 2024 nang walang suot na hijab.
Ayon sa mga ulat, isinagawa ang pagpaparusa noong Lunes, Nobyembre 23, 2026, sa Qom, Iran.
Kabilang sa mga pinarusahan si Ahmadi, ang concert organizer na si Mohsen Lashkari, at mga musikerong sina Soheil Faghih-Nasiri, Amin Taheri, at Amirali Pirnia.
Hindi lamang paghagupit ang naging parusa sa kanila.
Iniulat ding pinagbabawalan ang lima na magtrabaho sa larangan ng sining at audiovisual production, gayundin ang bumiyahe palabas ng Iran sa loob ng dalawang taon.
ONLINE CONCERT AT HISTORIC SITE
Nagsimula ang kontrobersiya sa isang virtual concert na isinagawa ni Ahmadi noong Disyembre 2024.
Kinunan ang pagtatanghal sa Deir-e Gachin Caravanserai sa lalawigan ng Qom.
Ang Deir-e Gachin ay isang makasaysayang tuluyan para sa mga mangangalakal at manlalakbay na dumaraan sa mga sinaunang rutang pangkalakalan sa Iran.
Dahil sa laki at kahalagahan nito, tinawag din itong “Mother of Iranian Caravanserais.”
Iniuugnay ang pagkakatayo nito sa panahon ng Sasanian Empire, bagamat hindi tiyak ang eksaktong petsa ng pagkakagawa. Sa paglipas ng mga siglo, dumaan ito sa malalaking pagsasaayos noong panahon ng Seljuk at Safavid.
Sa naturang concert, nakasuot si Ahmadi ng mahabang itim na damit na walang manggas at walang hijab. Kasama niya sa pagtatanghal ang ilang lalaking musikero.
Umani ng milyun-milyong views ang video sa kanyang YouTube channel.
Read: Abby Choi's ex-husband reveals alleged affair after their divorce
AHMADI CONVICTED FOR HER YOUTUBE CONCERT
Hindi nagtagal, humantong sa kasong kriminal ang naturang pagtatanghal.
Ayon sa ulat ng BBC, hinatulan noong Hunyo 2026 ng isang criminal court sa Qom si Ahmadi at walo pang indibidwal dahil sa paglalathala ng materyal na itinuring na malaswa at labag sa public decency.
Inapela ng mga akusado ang desisyon, ngunit ibinasura umano ang kanilang apela sa katapusan ng Setyembre.
Sa siyam na nahatulan, lima ang pinatawan ng tig-74 hagupit noong Nobyembre 23. Sila rin ang iniulat na pinagbabawalang magtrabaho sa larangan ng sining at bumiyahe sa ibang bansa sa loob ng dalawang taon.
Naging malaking isyu ang performance ni Ahmadi dahil sa mahigpit na patakaran ng Iran sa pananamit ng kababaihan, lalo na ang obligasyong magsuot ng hijab. Mayroon ding mga restriksiyon sa pag-awit ng kababaihan sa publiko.
ARTISTS, ACTIVISTS CONDEMN FLOGGING
Matagal nang pinupuna ng mga grupo ng karapatang pantao ang mahigpit na pagpapatupad ng hijab rules sa Iran.
Lalong tumindi ang pagtutol ng publiko matapos mamatay noong Setyembre 2022 si Mahsa Amini, isang 22-anyos na Iranian Kurdish woman na inaresto ng morality police dahil umano sa paglabag sa dress code ng bansa.
Nagbunsod ng malawakang protesta ang pagkamatay ni Amini at naging mitsa ito ng panawagan para sa mas malawak na kalayaan ng kababaihan.
Sa ulat ng news site na Iran International ngayong Martes, Nobyembre 24, 2026, sumiklab ang galit sa social media matapos parusahan si Ahmadi at ang kanyang mga kasama.
Kinondena ng mga artista, aktibista, at netizens ang parusa kay Ahmadi, pati ang paghihigpit ng Iran sa women’s artistic expression.
Sinabi ng mang-aawit na si Mehdi Yarrahi na pinarusahan din siya ng 74 hampas ng latigo noong Marso 2025 dahil sa pagbabahagi niya sa Instagram ng video ng pagtatanghal ni Ahmadi bilang pagpapakita ng suporta sa kanyang kapwa singer at sa concert team nito.
Nakasaad sa ulat ng Iran International ang reaksyon at X post ng aktibista na si Zeinab Zaman tungkol sa pagkakaiba ng virtual concert at pisikal na parusa kay Ahmadi.
Saad nito: “Her concert was virtual, but the lash on her body was real. We are recording act after act of courage and shame upon shame in this history. Bodies are eyewitnesses.”

Ibinalita rin ng Iran International ang pahayag ni Mahmood Amiry-Moghaddam, ang director ng Norway-based Iran Human Rights.
“She sang; the Islamic Republic responded with the lash.A government that is incapable of resolving the crises of livelihoods, water and electricity, yet does not hesitate to flog a woman for her voice, has reached the end of its life.”

Read: Rovelyn Baterbonia, Rico Maierhofer hit by criticism over PJ Simon posts