Mga Anak ng Baha ang pamagat ng 30-minute documentary ng aktor na si Aljon Mendoza, 25, tungkol sa mga residente ng Macabebe, Pampanga, na matagal nang namumuhay sa gitna ng matinding pagbaha.
Mapapanood ang dokumentaryo sa YouTube channel ni Aljon simula Lunes, Nobyembre 30, 2026, kasabay ng ika-163 anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio.

Ang manager ni Aljon na si Boy Abunda ang nagmungkahi ng pamagat na Mga Anak ng Baha.
Maituturing kasing mga anak ng baha ang mga residente ng Macabebe na ilang dekada nang nagtitiis sa problemang tila wala pa ring permanenteng solusyon.
Ipinaliwanag naman ng TV at movie scriptwriter na si Jessie Villabrille, na sumulat ng voice-over narration para sa documentary, kung paano nabuo ang konsepto sa likod ng pamagat.
Lahad niya: “Kay Tito Boy talaga yung Mga Anak ng Baha kasi parang iniisip namin na almost thirty years na yung baha sa Macabebe, nagtitiis yung mga tao.
“So, ang dami nang lumaki, ang dami nang naka-experience ng baha mula pagkabata hanggang sa pagtanda, like Aljon.
“Tapos ang dami nang mga tao na, in a way, nag-grow na lang sa baha, tinanggap na lang nila.
"Yung ganoon kasi, yung proseso ng pagtanda natin, medyo nag-iiba yung acceptance natin.
“Parang akala natin, normal na yung baha so ang dating, itong mga taong na-experience ng baha sa Macabebe, parang kino-consider na rin sila na ipinanganak sa baha.
"At katulad ni Aljon, nagbago na lang ang perspective nila pagdating sa baha.
"So, dun nanganak ang concept na tawagin na lang natin sila na Mga Anak ng Baha.”

Read: Aljon Mendoza plans documentary on Macabebe flood crisis
ALJON MENDOZA MOVED TO TEARS BY HIS MOTHER'S EMOTIONAL REACTION
Ang mga magulang ni Aljon na sina Arnold, 56, at Judith Mendoza, 53, ang una niyang kinapanayam para sa dokumentaryo.
Hindi inaasahan ng aktor na magiging emosyonal ang kanilang pag-uusap, lalo na nang biglang mapaiyak ang kanyang ina habang kinukumusta niya ang kanilang kalagayan.
Saad ni Aljon: “Nag-start po ako na mag-shoot sa loob ng bahay namin at ang unang-una ko na nakausap, yung parents ko.
“Wala akong script, wala akong alam na itanong. Talagang spontaneous lang tapos nabigla ako dahil biglang umiyak ang nanay ko.
“Kinukumusta ko lang sila, kumusta sila kapag wala kaming magkakapatid. Mabigat kasi hindi po ako sanay na makita ang nanay ko na umiiyak.
“Ganoon pala yung nararamdaman niya. Hindi lang para sa pamilya namin yung iyak niya, para rin sa mga kapitbahay namin na affected ng baha. Dun ako na-touch.”
Mas lalo pang naapektuhan ang aktor sa kuwento ng kababayan niyang si Mergie Polintan tungkol sa sinapit ng ama nitong may kapansanan.
Natagpuan na lamang itong walang buhay at nakadapa sa tubig-baha sa loob ng kanilang tahanan matapos malunod.
“Umalis lang po si Ate Mergie sa bahay nila para bumili ng ulam pero pagbalik niya, nakalutang na ang tatay niya na disabled. Hindi na niya maituwid ang mga binti niya,” pagbabahagi ni Aljon sa Cabinet Files.
Read: Aljon Mendoza raises alarm over worsening flooding in Macabebe
ALJON MENDOZA HOPES HIS DOCUMENTARY WILL MAKE A LASTING IMPACT
Walang anumang kapalit na ginawa ni Aljon ang dokumentaryo dahil nais daw niyang maiparating sa mga kinauukulan ang matagal nang paghihirap ng kanyang mga kababayan.
Aminado siyang hindi niya alam kung paano tatanggapin ng publiko ang proyekto o kung ano ang magiging resulta nito. Gayunman, ipinagmamalaki niya ang kanyang nagawa.
“Napakapersonal sa akin nito. Hindi ko alam kung paano siya tatanggapin o anong magiging resulta pero proud po talaga ako sa nagawa ko,” sabi ni Aljon.
“Ang pinaka-goal ko talaga, sana magkaroon ng impact. Sana hindi lang siya parang dumaan lang.
“Sa dami ho ng mga tao na nakausap ko sa amin sa Macabebe, may mga bata, may mga matatanda, merong may mga trabaho, merong wala.
“Iba-iba po sila ng perspective tungkol sa baha. Yung mga bata, akala nila, yun ang normal. Hindi nila namulatan yung lugar namin noong tuyo pa.
“Yung iba naman, nakita nilang tuyo yung lugar namin hanggang sa na-witness nila na binabaha.
“Iba-iba tayo ng mga pinagdadaanan pero yung pinaka-common denominator namin, lahat kami apektado, lahat kami mga biktima.
"Kahit ano pa man ang mga estado [namin sa buhay], hindi kami nakatakas sa ganitong sitwasyon. Pero para sa akin, ipinaglalaban namin na we deserve better.
“Sana po may patutunguhan. Sana hindi lang siya pagka-upload, dumaan lang at malimutan."
Dagdag ni Aljon: “Actually, may nakausap ako na case study. Nagustuhan ko ang sinabi niya na yung iba po sa amin, galit na galit habang baha, pero kapag wala nang baha, nakakalimutan na yung isyu.
“Sana kami, bilang nasa Macabebe kami, hindi kami makalimutan sa eleksyon. At sana yung mga nanunungkulan, talagang pakinggan naman nila kami.
“Sigurado ako na nakikita nila yung mga daing namin sa social media. Sana yung mga project at budget na naibibigay ay mapunta sa tama.”
Read: Aljon Mendoza parts ways with Star Magic after seven years