Ngayong gabi ang pilot telecast ng 3rd Season ng Lip Sync Battle Philippines, ang nagbabalik-telebisyon na reality competition show nina Michael V. at Iya Villania.


Marami ang hindi nakakaalam na writer ng Lip Sync Battle si Mcoy Fundales, ang ex-lead vocalist ng Orange and Lemons, ang banda na nagpasikat sa "Pinoy Ako," ang official theme song ng unang season ng Pinoy Big Brother ng ABS-CBN noong 2005.
Nabuwag ang Orange and Lemons noong 2007, nagtayo si Mcoy ng bagong banda, ang Kenyo.
Hindi na active si Mcoy sa music industry pero napapakinabangan niya sa mga television show ng GMA-7 ang talent sa pagsusulat.
Hindi lang writer si Mcoy para sa Lip Sync Battle Philippines dahil siya rin ang writer ng Pepito Manaloto, ang situational comedy series ni Michael V. at ng Ang Forever Ko’y Ikaw, ang romance-drama-comedy series ng GMA-7 na tinatampukan nina Camille Prats at Neil Ryan Sese.