Pinaratangang sexist si Robin Padilla dahil pinalalaki ang isyu tungkol sa sinabi niyang "Kailangan mo pa rin ng lalaki" sa single mother at Pilipinas Got Talent contestant na si Kristel de Catalina.
Madali para sa televiewers na makahanap ng dahilan para batikusin, hindi lamang si Robin, kundi pati ang ibang mga artista.
Pero iba ang mga eksenang hindi napapanood sa TV, tulad ng walang katapusang pasasalamat ng mga kabataang miyembro ng Bu-aywa Folkloric Dance Troupe ng Calapan, Oriental Mindoro, na natanggal sa talent search program ng ABS-CBN.

Ikinalungkot ni Robin ang elimination ng Bu-away Folkloric Dance Troupe.
Off-cam, nilapitan at kinausap ni Robin ang mga miyembro.
Pinayuhan niya ang mga itong huwag mawawalan ng pag-asa at kinumbinsing muling sumali sa susunod na season ng Pilipinas Got Talent.
Physically disabled ang mga miyembro ng Bu-away Folkloric Dance Troupe, kaya maligayang-maligaya sila sa encouragement na ibinigay at pagmamalasakit na ipinakita ni Robin sa kanila.
Hindi nakaligtaan ni Robin na ibigay ang kanyang favorite cap bilang pabuya sa isang miyembro na matiyagang kumarga kay Giselle Morales.
Si Giselle ang bulag na "star" ng grupo na hindi makalakad dahil napilayan habang paluwas sila sa Maynila mula sa Mindoro, kaya binago ng Bu-away Folkloric Dance Troupe ang dance routine nila.

Sinabi ni Robin sa kind-hearted member na bibiyayaan ng Panginoon ang pagkarga niya kay Giselle.
Malapit sa puso ng PGT judge na si Angel Locsin si Giselle dahil bulag din ang ama ng aktres.
Shoutout: Hindi lamang ang Bu-away Folkloric Dance Troupe ang nagpasalamat kay Robin.
Pinasasalamatan din siya ng mga kababayan natin sa Marawi City dahil napapakinabangan na nila ang 18 deep well na ipinatayo ng action superstar sa mga evacuation center.
Importante ang tubig sa araw-araw na pamumuhay ng mga kababayan natin sa Marawi City, na dahan-dahang bumabangon mula sa limang buwang digmaan na nagdulot sa kanila ng kahirapan at kalungkutan.
Kaya napakalaki na tulong para sa kanila ang mga deep well na donasyon ni Robin.
