Ang pagpapakilala kay Tasha ang highlight ng presscon ng The Cure noong Martes, April 17.
Ang The Cure ang prime-time television series ng GMA-7 na mapapanood simula sa April 30 at kapalit ng Sherlock Jr., na magwawakas sa April 27.

Si Tasha ang gorilla na importante ang role sa upcoming drama thriller ng Kapuso network.
Si Winnie Hollis Reyes ang executive producer ng The Cure at nanggaling sa kanya ang impormasyong iisang prosthetics at post-production house ang creator ni Tasha at ni Imaw, ang kauna-unahang fully-animatronic puppet head sa Philippine television na napanood sa Encantadia.

Hindi sinabi ni Reyes ang cost ng pagpapagawa kay Tasha, pero binanggit niyang "madugo" ang budget.
Sandaling-sandali ang itinagal ni Tasha sa presscon ng The Cure dahil hindi nakikita ng tao sa loob ng katawan niya ang daraanan kaya hirap na hirap siya sa paglalakad.

“May tao sa loob ni Tasha, pero yung ulo niya, completely remote controlled.
"Hindi niya nakikita ang daan dahil nakayuko siya. Ang bibig ni Tasha ang mata niya," ang kuwento ni Reyes.
Si Tasha ang guinea pig sa kuwento ng The Cure dahil sa kanya itinurok ang bio-engineered virus mula sa mga unggoy para makagamot ng kanser.
Nilinaw ni Reyes na hindi tungkol sa mga zombie ang plot ng The Cure at ibang-iba ang kuwento nito sa blockbuster Korean movie na Train to Busan.