May sariling negosyo na si Gerald Sibayan, ang asawa ni Ai-Ai delas Alas.
Franchisee na siya ng Ate Rica’s Bacsilog (bacon, sinangag, itlog), ang popular eatery na sinimulan ng dating sidewalk vendor na si Rica Peñalosa.

Kilalang-kilala ng mga estudyante ng La Salle ang Ate Rica’s Bacsilog dahil ito ang paborito nilang kainan sa university area.
La Salle graduate si Gerald at siya ang may idea na magkaroon ng franchise ng Ate Rica’s Bacsilog dahil dito sila madalas kumakain noon ng mga kaklase niya.
Matagal bago nakumbinsi ni Gerald si Peñalosa na pagkatiwalaan siyang bigyan ng franchise ng Ate Rica’s Bacsilog dahil wala ito noon sa plano ng former sidewalk vendor-turned-successful businesswoman.
Nagbukas si Gerald ng branch ng Ate Rica’s Bacsilog sa University of Makati, at tuwang-tuwa siya dahil marami ang tumatangkilik sa food stall niya.
Bago pumasok sa kanyang regular job sa La Salle, araw-araw pumupunta si Gerald sa tindahan para alamin ang mga kailangan.
Pero hindi niya inaasahang magkakaroon siya ng problema sa kanyang cook na nanganganib na ma-pirate ng ibang business establishment.
Dahil guwapo, nag-viral sa Facebook ang cook ni Gerald na Lance ang pangalan.

Nakatanggap si Gerald ng mga mensahe mula sa kanyang mga kostumer na huwag tanggalin ang empleyado niya.
"Si Lance, kapatid ng kaibigan ng kaibigan ko. Nakikiusap sa akin ang mga kostumer na huwag siyang alisin."
Ikinukuwento ni Lance sa akin na dinadalhan siya ng kikiam, pati kwek-kwek, libre pa, ng mga empleyado ng mga katapat namin na eatery," ang sabi ni Gerald,
Confident ang mister ni Ai-Ai na hindi lilipat sa iba ang cook niya dahil mataas siyang magpasuweldo.
“Paano kung mas malaki ang offer ng mga bading?” ang tanong kay Gerald na sinagot nito ng “Bahala siya, wala na akong pakialam!”
Bago matapos ang 2018, inaasahan ni Gerald na makapagbubukas pa ito ng apat na branches ng food business niya dahil marami siyang pangarap para sa pamilya nila ni Ai-Ai.
Wala na ring puwedeng mag-akusa na umaasa si Gerald kay Ai-Ai dahil maliban sa kanyang trabaho sa La Salle, maganda ang takbo ng negosyo na ipinundar niya.