History repeats itself.
Ang phone call at pakikipagkita ni KC Concepcion sa kanyang estranged father na si Gabby Concepcion noong 2006 ang naalaala ng Cabinet Files nang kusang-loob na hanapin at tawagan ni Kobe Paras sa telepono noong January 22, 2018 ang London-based at estranged mother niyang si Jackie Forster.

Coincidentally, si Gabby ang leading man ni Jackie sa launching movie nito sa Regal Films noong 1993, ang Teenage Mama.
Nang lumabas sa social media ang litrato ni Jackie na kasama sina Andre at Kobe kahapon, April 29, marami ang hindi makapaniwala.

May mga nag-isip na throwback picture ang kanilang nakita at may mga nag-akalang photoshopped ang litrato.
Pero lahat sila ay maligaya para sa happy reunion ng mag-iina na nangyari sa isang Japanese restaurant sa Edsa Shangri-La noong Sabado, April 28.
Sa June 2018, bibisita sa Pilipinas mula sa London ang mga anak ni Jackie na sina Jared, Caleigh, at Yohan para makilala nang personal at makasama nang matagal ang Kuya Andre nila.
LONG JOURNEY. Naging inspirasyon sa mga magulang na nangungulila sa kanilang mga anak ang kuwento ng long journey ni Jackie para muling makasama sina Andre at Kobe.
Labindalawang taong naghintay si Jackie na mangyari ang pinakakaasam na pangarap.
Pero hindi siya nainip dahil sa kanyang puso, alam niyang may gantimpala na maganda ang malakas at buo na pagtitiwala niya sa Panginoon.
Ang ina ni Ruby Rose Barrameda na si Mrs. Ciony Barrameda ang isa sa maraming nananalig na darating din ang araw na makikita niya ang mga apo na inilayo sa kanila ng estranged husband ng kanyang pumanaw na anak.
Kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda si Ruby Rose, na pinaslang noong March 2007, isinilid ang bangkay sa steel drum na itinapon sa karagatan ng Navotas na nadiskubre noong June 2009.

Hanggang ngayon, patuloy ang pamilya Barrameda sa paghahanap ng hustisya para sa brutal na pagpatay kay Ruby Rose at kasama sa kanilang mga panalangin na makita at makapiling ang dalawang anak ng biktima.
"Nakakaiyak," ang reaksiyon ni Aling Ciony nang mabasa nito ang kuwento ng reconciliation nina Jackie, Andre at Kobe.
"Kaibigan kasi ng anak ko [Rochelle] si Jackie. Magkakasama pa sila sa mga birthday parties nung maliliit pa sina Andre and Kobe at ang mga anak ni Rochelle.
"Nabuhayan ako ng pag-asa. Looking forward to reuniting with Ruby Rose’s two lovely daughters in the near future.
"We haven’t seen them for the past 11 years! Patiently waiting for God’s perfect time," ang nakakaantig-damdaming pahayag ng mapagmahal na ina nina Ruby Rose at Rochelle, na hindi rin nawawalan ng pag-asa at tiwala sa Poong May-Kapal.