Alam nyo bang hindi sa Eat Bulaga unang napanood si Ryzza Mae Dizon?

Ipinagdiwang ngayon ni Ryzza Mae Dizon sa Eat Bulaga ang 13th birthday niya sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan, ang kanyang pagsali sa "Little Miss Philippines" contest noong 2012.




Ikinuwento ni Ryzza Mae na P100 lang ang pera na dala ng kanyang ina sa grand finals ng "Little Miss Philippines" kaya ipinagdasal niya na manalo siya para makatulong sa pamilya.

“Sobrang saya ko, 'tapos pag-uwi ko, ang daming sumalubong sa akin sa bahay. Ang ginawa ng mama ko sa napanalunan ko, ipinambayad niya sa mga utang namin 'tapos yung sobra, itinabi niya sa bangko. Akalain mo, may bangko na kami noon?” ang kuwento ni Ryzza Mae na hindi makapaniwala nang bigyan siya ng sariling talk show, ang The Ryzza Mae Show.

Ipinakita rin sa Eat Bulaga ang old clip ng unang birthday celebration ni Ryzza Mae sa naturang show.

Naging emosyunal ang child actress sa kanyang 7th birthday celebration dahil sa kauna-unahan na pagkakataon, hindi lamang pancit canton ang handa niya.

“Pancit canton lang ang handa ko noong birthday ko kaya noong nanalo ako sa 'Little Miss Philippines' ng June 9, 'tapos June 12 ang birthday ko, ang daming handa kaya na-shock ako. Naiyak ako noon.

“Sobrang laki ng pagbabago [ng buhay ko]. Dati, maliit lang ang bahay namin, ngayon malaki na,” ang sabi ni Ryzza Mae na nagpasalamat kay Mr. Tony Tuviera, ang producer ng Eat Bulaga at sa mga kasamahan niya sa noontime show ng Kapuso Network.

“Si Mama ko po, sinasabi niya sa akin na proud siya sa akin. Ang ipinagpe-pray ko naman ngayon sa buhay ko ay sana, good health ako saka yung family ko.

“Saka parati lang kaming masaya, makapagtapos kami ng mga kapatid ko sa pag-aaral at saka nagpapasalamat ako kay God sa lahat ng blessings niya sa akin.”

Trivia. Bago naging official candidate ng "Little Miss Philippines," unang napanood si Ryzza Mae sa telebisyon bilang contestant sa "Kantanong Contest" ng WilTime Bigtime, ang dating game show ni Willie Revillame sa TV5 noong 2012.
Six years old si Ryzza Mae nang sumali sa WilTime Bigtime at noon pa man, sinabi niya kay Willie ang kanyang pangarap na maging artista.


 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN