Jo Berry, nais maging inspirasyon sa ibang little people dahil sa kanyang pagganap sa Onanay

Tunay at hindi screen name ang pangalan ni Josephine "Jo" Berry.

Siya ang pinakamasuwerteng baguhan dahil kahit walang acting experience, hindi nangarap na maging artista, kulang sa height, hindi star material, pero bida agad at makikipagtagisan ng acting ability kina Nora Aunor at Cherie Gil sa Onanay, ang unang teleserye niya sa GMA-7.


Berry ang real family name ni Jo dahil half-Spanish at half-American ang kanyang ama.

Three-feet flat ang height ni Jo at bunso siya sa apat na magkakapatid.

Achondroplasia o dwarfism ang medical term sa restricted growth ni Jo, na minana nito at ng kanyang panganay na kapatid mula sa kanilang ama.

Sa Onanay, nagkaroon ng relasyon ang karakter ni Jo sa isang lalaking normal ang taas, na ginagampanan ni Adrian Alandy (dating Luis Alandy).

Pero sa tunay na buhay, ang kanyang ina na may normal height ang umibig sa tatay niya.

Hindi maipagkakaila na isang babae na matalino at may positive attitude ang 24-year-old newcomer na hindi itinuring na disability ang kanyang kalagayan.

Ni minsan, hindi rin nakaramdam si Jo ng awa sa sarili at utang na loob niya ang lahat sa maayos at maganda na pagpapalaki ng kanyang mga magulang.

“Ang childhood ko, typical childhood.

"Yung upbringing sa amin ng parents namin is hindi naman ipinakita na may iba sa amin o may kapansanan.

"Nang lumalaki ako, nakikita ko ang papa ko at ang kuya na ganoon din sila.

"Saka, ang alam ko lang po, mas malaki lang yung ibang tao, pero wala naman talagang kulang sa akin.

"Hindi naman ako nagtanong o naging in denial or sinisi si God, bakit ako ganoon?” ang walang bakas ng bitterness sa boses na pahayag ni Jo.

Bago siya nabigyan ng malaking break ng GMA-7 sa Onanay, may corporate job si Jo.

Pero napilitan siyang mag-resign dahil hindi niya pinalampas ang malaking oportunidad na dumating sa kanyang buhay.

Kuwento niya, "Almost two years ako sa corporate job ko.

"Bago ako nag-sign para sa Onanay, same week po noon, pipirma ako ng bagong kontrata sa another company.

"Nung sinabihan po ako ni Miss H [Helen Rose Sese, program manager ng GMA-7], kung puwede nila akong kausapin, pumunta po ako, kasama ko yung kuya ko saka mother ko.

"Nung ibinigay nila yung script, story, diniscuss namin sa papa ko kung puwede akong payagan. 'Tapos tinanong niya ako, 'Gusto mo ba talaga?'

"Opo, gusto kong i-try. Ayokong palampasin kasi malaking opportunity.

"Saka naniniwala po ako sa story na hindi lang yung buhay ko ang magbabago kundi maraming tao.

"Major decision at major twist sa buhay ko at sa buhay naming lahat."

Sa pamamagitan ng Onanay, umaasa si Jo na magbabago ang tingin ng mga tao sa mga "little people" na kagaya niya.

Para sa kanya, little people at hindi unano o duwende ang dapat na itawag sa mga tao na may Achondroplasia.

"Ang perspective na nakikita ko, ang ipinagpe-pray ko lang talaga na magustuhan at maka-inspire ng mga tao, kahit hindi little people, ang Onanay kasi, ako lang po ngayon, nababago na ang buhay ko," umaasang pahayag ni Jo.

May mensahe rin si Jo para sa mga little people na dumaranas ng depression at insecurities dahil hindi matanggap ang kanilang kalagayan.

"Kapag inisip mo sa sarili mo na kawawa ka, that’s the time na makikita rin ng maraming tao na, 'Ay, kawawa nga
ito' kasi you see yourself na kawawa ka.

"Naiintindihan ko po na kaya different yung shape ko, ginawa ako ni Lord nang differently, kasi may bigger purpose ako to play sa mundong ito.

"Kaya hindi po ako umabot sa point na naaawa ako sa sarili ko dahil ganito ako," ang kahanga-hangang paniniwala ni Jo.

Postscript: Overwhelmed na overwhelmed si Jo nang ipakilala siya bilang isa sa mga bida ng Onanay sa media launch na ginanap nitong July 26.

Muntik nang mapaiyak si Jo habang pababa mula sa mataas na hagdan ng presscon venue dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng entertainment press.

Ang ipalabas sa telebisyon ang Onanay sa August 6 ang original plan ng GMA Network, Inc.management.

Pero extended uli ang Kambal, Karibal hanggang August 10 dahil sa mataas na rating ng programa.

Kaya sa August 13 ang pilot telecast ng bagong teleserye ng GMA-7 na tiyak na muling magpapabago sa television landscape, magbibigay ng inspirasyon at mga aral na mahahalaga sa mga nawawalan ng pag-asa.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN