Mark Neumann, dapat gamutin ang "amnesia" para mas umangat ang career

Hindi lamang sina Ahron Villena at Kakai Bautista ang ipinu-promote ng mga producer ng pelikulang Harry & Patty.

Tinutulungan din ng CineKo Productions sina Mark Neumann at Heaven Peralejo, ang co-stars sa romantic comedy movie na magbubukas sa mga sinehan sa Miyerkules, August 1.


Produkto si Mark Neumann ng Artista Academy, ang talent search program ng TV5 noong 2012.

Ang pagkakaroon ng "amnesia" ni Mark dahil hindi nito natatandaan ang mga taong nakakatrabaho at nakakasalamuha niya ang isyu sa kanya.

Marami na ang nagpapatunay na totoong maiksi ang memorya ni Mark kaya hindi nakapagtatakang anim na taon na siya sa entertainment industry pero mailap pa rin sa kanya ang stardom.

Iilan na lang ang nakakaalam sa mga show ng TV5 na pinagbidahan ni Mark, at tila mas natatandaan nila ang video scandal niya.

Kung masidhi ang ambisyon ni Mark na matupad ang pangarap na sumikat, pilitin niyang talasan ang kanyang memorya at matuto siyang lumingon sa pinanggalingan.

Sayang ang pagtulong na ginagawa ng CineKo Productions executives kay Mark kung hindi ito magkukusa na baguhin ang ugali.

Hindi puwedeng ikatuwiran ni Mark na normal ang pagiging malilimutin nito dahil ang mga katulad niya na wala pang napapatunayan sa showbiz ang madaling nakakalimutan kung hindi siya gagawa ng paraan na baguhin ang kanyang negative attitude.

Habang hindi pa huli ang lahat, dapat hasain ni Mark ang mapurol na memorya niya bago tuluyan na maging memory na lamang siya sa showbiz.

May recall ang family name ni Heaven Peralejo dahil pamangkin siya sa pinsan ng former actress na si Rica Peralejo.

Hindi na nagpang-abot ang dalawa sa entertainment industry dahil, ayon kay Heaven, hindi na active si Rica nang pumasok siya sa showbiz.

Contract star si Heaven ng Star Magic.

Ang Harry & Patty ang second movie niya sa CineKo Productions dahil introducing siya sa Bes and the Beshies, ang 2017 comedy movie ng film outfit na pag-aari ni Bulacan Mayor Patrick Meneses at former Pandi Mayor Enrico Roque.

Mainstay si Heaven ng Sana Dalawa ang Puso, ang television series ng ABS-CBN.

Si Julius Alfonso ang direktor ng pang-umagang programa ng Kapamilya network at siya rin ang direktor ng Sana Dalawa ang Puso.

Kung hindi pa nagkita ang dalawa sa mini-presscon ng Harry & Patty noong nakaraang Huwebes, hindi malalaman ni Heaven na si Julius ang nagrekomenda sa kanya para maging cast member ng pelikula nina Ahron at Kakai.

Parang nahiya sa sarili at agad nagpasalamat si Heaven kay Julius nang matuklasan niya ang katotohanan.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN