Saludong-saludo kay Lani Misalucha si Rodel Colmenar, ang founder at music director ng Manila Philharmonic Orchestra (MPO) dahil sa malaking pabor na ibinigay ng Asia’s Nightingale sa organisasyon nila.

Ipagdiriwang ng MPO ang 20th anniversary nila sa pamamagitan ng MPO Opus 20: Trailblazing Music Excellence, ang concert nila sa Cultural Center of the Philippines.
Si Lani ang isa sa mga inimbitahan ni Rodel na special guest, pero nagulat siya sa sagot sa kanya ng magaling na singer.
Kuwento ni Rodel, “Lani is a good good friend of MPO and we enjoy working with her.
"Si Lani really volunteered to do it.
"We had a project with Lani recently and sabi ko, ‘Lani, kanta ka naman ng dalawang kanta sa anniversary show ng MPO.’
"Ang sagot niya, ‘Kapatid naman, 20th anniversary niyo, bakit dalawa lang?'
"Sabi ng asawa niya, si Noli, 'Bakit hindi mo pa gawin na anim, walo…'
"Sabi ko, 'Sige, ikaw na lang ang guest.'
"We’ll do six or eight songs with Lani.
"I’m thinking of something really different, a collaboration with Lani plus the UST Choir and the orchestra.
"Parang lahat kasi nagawa na ni Lani. Singing na nakahiga... 'Nessun Dorma'… so I’m thinking of something really different."
Nagbitaw ng pangako si Rodel na sisiguraduhin niyang magugustuhan ng manonood ang 20th anniversary show ng MPO at magkakaroon ng katuparan ang kanyang pangarap na ilapit sa masa ang symphonic music.