Noong Sabado, July 28, ang 77th birthday ng Philippine movie queen na si Susan Roces.
Pero kagabi, July 31, lamang nangyari ang surprise birthday dinner para sa kanya na inihanda nina Coco Martin at Deo Endrinal.

Walang kamalay-malay si Susan na sariling birthday party ang kanyang pinuntahan kagabi dahil third anniversary celebration ng Ang Probinsyano ang imbitasyon na natanggap niya.

Tawa nang tawa si Susan nang dumating siya sa venue ng birthday dinner sa Quezon City at nang makita niya ang mga miyembro ng kanyang pamilya, malalapit na kaibigan, co-stars at production staff ng top-rating prime time television series ng ABS-CBN.

Si Coco ang lead actor at si Deo ang head ng Dreamscape Entertainment Television, ang producer ng Ang Probinsyano.
Mula nang mag-umpisa ang Ang Probinsyano noong 2015, hindi nawawalan sina Coco at Deo ng surprise birthday celebration para kay Susan.

Ang talent managers na sina Dolor Guevara, Shirley Kuan, June Rufino, at Malou Choa-Fagar; Regal Entertainment Inc. producer Mother Lily Monteverde; Senator Grace Poe; at ang Ang Probinsyano co-stars na sina Edu Manzano, Yassi Pressman, Lito at Mark Lapid, Albert Martinez, Carmi Martin, at Roderick Paulate ang ilan sa mga bisita sa birthday dinner para sa veteran actress.

