Isa lamang ang news anchor na si Karen Davila sa mga popular na personalidad na nagpahayag ng pagkadismaya sa mga hindi natapos na "Kayo ang Boss Ko" toilets sa Philippine National Railways stations na proyekto ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
"Nakakagalit!! Bakit ba tayo ganito? Wala na ba talagang kahihiyan???" ang reaksyon ni Davila tungkol sa isyu na ilang araw nang headline ng mga television news program.
Ang kontrobersiya ng unfinished "Kayo ang Boss Ko" toilet project, na nagkakahalaga ng PHP295 million, ang sinagot ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade nang humarap siya ngayon sa mga miyembro ng entertainment press.
Pahayag ni Sec. Tugade, "Yung kubeta, ilagay natin sa tamang pananaw at plataporma.
"Hindi ho namin ginawa iyan, gawa ng nakaraang administrasyon.
"Nung inilunsad nila ang proyekto na iyan, ang tawag nila, 'Kayo ang Boss Ko' toilets.
"Bagamat tinawag na 'Kayo ang Boss Ko' toilets, ang sinabi ng ating kalihim noon, si Secretary Mar Roxas, na yung mga itatayong toilet, world-class, Singapore-class.
"'Wow!' ang sabi noon ng mga tao.
"Nung makita ho namin ang 'Kayo ang Boss Ko' toilets na ibinibigay sa amin, hindi namin sinabi na 'Wow.'
"Ang sabi ho namin, 'Ngek!'
"Ngek talaga, tatluhan na toilets, walang partisyon.
"Hindi ho namin itinatakda ang karamihan na mga proyekto na iyan pagkat hindi nagawa sa pangakong disenyo at programa.
"Meron din mga kontratista iyan. Nung matanggap yung downpayment, nawala, hindi itinuloy.
"Kaya yung iba, inumpisahan, hindi tinapos.
"Ayan ho yung world-class toilets ng nakaraang administrasyon."
Kkinukutya at pinagtatawanan ang 'Kayo ang Boss Ko toilets' dahil matindi pa sa mga toilet humor joke na napapanood natin sa mga local sitcom at comedy movies.