Disturbing ang kuwento ng School Service, ang pelikula ni Ai-Ai delas Alas na official entry sa 14th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.
Pero nangyayari sa tunay na buhay at sa ating bansa ang mga eksena.
Ipinakita sa School Service ang matitinding kahirapan na pinagdaraanan ng less-fortunate Filipinos na gustung-gusto ng mga organizer ng mga international film festival.
School Service ang pamagat ng pelikula dahil nakatira sa school service van si Ai-Ai, ang kanyang ama, kapatid, at ang mga batang biktima ng kidnapping na ginagamit nila sa pamamalimos, pagnanakaw, at panloloko ng kapwa.
Muling pinatunayan ni Ai-Ai sa School Service na hindi lamang siya magaling sa pagpapatawa dahil effective ding dramatic actress ang Comedy Queen, kaya hindi mahahalatang nahirapan siya sa ilang mga eksena at naranasan niyang ma-take three ng direktor na si Louie Ignacio.
Ipinagtapat ni Ai-Ai na nagdusa ito sa shooting ng mga eksena na kailangan niyang manakit dahil hindi siya bayolenteng tao.
"Na-take three ako dahil dinadaya ko ang pagsampal sa mga kasama ko sa eksena.
"Yung eksena na sinampal ko si Ate, take three ako dahil dinaya ko ang pananakit sa kanya.
"Sabi ni Direk, totohanin ko ang pagsampal.
“Pati sa mga bata, kapag sinasaktan ko, naaawa ako, so Take 2 ako. Usually, take one lang naman ako parati,” ang kuwento ni Ai-Ai.
May mga maseselang eksena ang School Service gaya ng oral sex scene ng direktor na si Joel Lamangan at ng StarStruck VI alumnus na si Kevin Sagra, ang violent death scene, ang malulutong na mura na pinakawalan ng mga child actor na gumanap na pulubi, sumisinghot ng rugby at nagbebenta ng panandaliang-aliw.
Kung disturbing ang mga makatotohanang eksena sa School Service, higit na disturbing na pinayagan ang mga batang panoorin ang kabuuan ng pelikula.
Postscript: Malakas ang impact ng School Service-inspired gown and headdress ni Ai-Ai delas Alas sa premiere ng School Service na ginanap sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines kagabi, August 5.
Idea ni Ai-Ai ang design ng School Service-inspired outfit niya at ang fashion designer na si Pristine de Guzman ang nag-execute.
Si De Guzman din ang gumagawa ng lahat ng mga damit at headdress ni Ai-Ai para talent search show na The Clash ng GMA-7.