"Introducing Winwyn Marquez", hindi Teresita Ssen Marquez, ang billing ng pangalan ng reigning Reina Hispanoamericana sa Unli Life, ang official entry ng Regal Entertainment, Inc. sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino.
Ipinaliwanag ni Winwyn na mas malakas sa mga Pilipino ang recall ng kanyang nickname kaya ito pa rin ang gagamitin niya sa mga showbiz commitment.
Pero natutuwa si Winwyn dahil kapag naririnig ng mga kababayan natin ang Teresita Ssen, alam nila na iisang tao lang ang nagmamay-ari ng naturang pangalan.
“I want to use my real name, pero kahit saan ako magpunta, Winwyn talaga ang tawag sa akin.
"Sa abroad, sa Bolivia, sa New York, Teresita ang tawag sa akin.
"Sa social media, kapag may foreigners, Teresita ang alam nila," ang kuwento ni Winwyn na mas gusto na tawagin siya sa unique name na Teresita kesa sa Winwyn na tunog-baby para sa kanya.
Babalik si Winwyn sa Bolivia sa October para isalin sa successor niya ang korona ng Reina Hispanoamericana.
Sinabi ni Winwyn na kuntento at maligaya na siya sa international beauty title na kanyang napanalunan kaya wala sa plano niyang muling sumali sa Binibining Pilipinas tulad ng ginawa ni Miss World Philippines 2016 Catriona Gray.
"Hindi ko iniisip na mag-pageant uli kasi happy naman ako sa napanalunan ko. Happy naman ako sa nangyari," ang sabi ni Winwyn.
Nagpasalamat si Winwyn dahil hindi nakakalimutan ng mga taong nakaukit na sa kasaysayan ng mga beauty pageant na siya ang kauna-unahang Pilipina na nanalo ng korona ng Reina Hispanoamericana.