Tulad ni Alden Richards na ulila na sa ina bago pumasok sa entertainment industry, naniniwala si Christian Bables na sinusubaybayan at ginagabayan siya ng kanyang ama na pumanaw dahil sa heart attack noong walong taon gulang pa lamang siya.
Nag-crack ang boses ng lead actor ng Signal Rock nang mapag-usapan ang maagang pagpanaw ng Filipino-Indian father niyang si Rodrigo.
Nagbitaw si Christian ng salita na kung nasaan man ngayon kanyang ama, siguradong ipinagmamalaki nito na natupad ang pangarap niyang maging aktor.
"Naku, baka magkaiyakan tayo. Si Daddy, kung nabubuhay ngayon, siguradong magiging proud siya.
"Wala ibang gusto si Daddy kundi maibigay lahat ang desires ng heart ko, hangga’t kaya niya.
"Kung nakikita niya na unti-unti kong naaabot yung dreams ko, isa siya sa mga tao na nasa harapan ko at pumapalakpak sa akin.
"Bata pa lang ako, nakikita niya na mahilig akong kumanta, mag-perform.
"Between my mom and my dad, si Daddy talaga yung sumusuporta sa passion ko.
"Si Mommy, she wanted me to sa corporate world, kasi yun ang business namin."
Ang maagang pagkaulila sa ama ang dahilan kaya naghanap si Christian ng father figure habang lumalaki at nagkakaisip siya dahil sa mga struggle na pinagdaanan niya.
"Sobrang hirap kaya siguro hanggang ngayon, kung kani-kanino ko hinahanap yung father figure.
"Sa mga direktor ko, kay Direk Chito Roño, kay Direk Jun Lana. Kay Tito Boy Abunda…
"Maiparamdam lang sa akin na sobrang nagke-care sila, nakikita ko na may care at love sila sa akin, ang bilis kong magmahal kasi siguro nandoon yung paghahanap ko ng pagmamahal ng isang ama.
"Ang hirap-hirap during 8 to 15 years old ako, nakakainggit kasi yung mga kaklase ko, nakikita ko na dinadalhan sila ng food ng tatay nila.
"Nakikita ko yung mga tatay nila, kasa-kasama nila.
"Ito yung mga years na marami akong itanong about life. Wala akong mapagtanungan na tatay.
"Si Mommy naman, busy sa work, na hindi ko naman masisisi dahil mag-isa siyang nagtatrabaho para maitaguyod kami ng mga kapatid ko," ang tagos sa pusong kuwento ni Christian.
Sa Signal Rock, mapagmahal sa pamilya ang karakter ni Christian.
Sa tunay na buhay, mapagmahal din siya sa pamilya at handang gawin ang lahat para hindi sila magkawatak-watak.