Ang nalalapit na pagwawakas ng Kapuso drama series na Hindi Ko Kayang Iwan Ka ang sinabing dahilan ni Yasmien Kurdi sa desisyon nitong ipagpatuloy ang pag-aaral niya.
Nursing ang original course ni Yasmien, pero hindi nito natapos dahil nag-asawa siya, bumuo ng pamilya, at bumalik sa showbiz.
Nang magpasya siyang muling mag-aral, nag-shift si Yasmien sa AB Political Science course na binubuno niya tuwing Sabado sa Arellano University.
Ipinaliwanag ni Yasmien na kailangang maging full-time student siya kapag itinuloy niya ang Nursing course, na mahirap mangyari dahil sa kanyang mga responsibilidad bilang asawa, ina, at aktres.
"Wala akong time na maging full-time student, pero marami naman na-credit na units kasi panglimang taon ko na 'to sa kolehiyo.
"So, graduating student na ako ngayon, major subjects na lang ang tatapusin ko.
"AB Political Science ang pinili kong kurso dahil plan ko after na magkaroon ng Master’s Degree in International Relations," kuwento ni Yasmien.
Bago siya nag-enroll sa Arellano University, hiningi muna ni Yasmien ang permiso ng kanyang pilot husband na si Rey Soldevilla Jr., na agad pumayag basta para sa ikasasaya ng misis niya.
Kumbinsido si Yasmien na malaking advantage sa pag-aaral nito ang kanyang pagiging artista dahil sanay siyang magmemorya ng mga linya.
"Masipag akong mag-aral. Advantage ang pagiging artista sa pag-aaral dahil sanay ang utak mo na mag-memorize nang mag-memorize.
"Bawat page na mababasa mo, memorized kaagad, so ganoon kadali na mag-memorize ng items.
"Kaya yung quizzes and tests, okey lang, kayang-kaya.
"Kasi yung brain mo, every day mo na pina-practice mag-memorize, mag-isip…" ang paniniwala ni Yasmien.