Ang PDAF scam whistleblower na si Benhur Luy ang umupo sa witness stand ng Sandiganbayan First Division ngayong hapon, August 9, para sa muling pagdinig sa plunder case na isinampa laban kay former Senator Bong Revilla Jr.
Inamin ni Luy na hindi niya personal na nakita si Revilla na pumirma ng mga endorsement letter para sa mga fake NGO ng businesswoman na si Janet Lim-Napoles.
Ayon sa eyewitness at former showbiz journalist na si Portia Ilagan, consistent ang mga sagot ni Luy na hindi nito nakita si Revilla sa paulit-ulit na pagtatanong sa kanya ng tatlong justices ng Sandiganbayan First Division.
"The prosecution rested its case and a resolution of the case will come in 30 days (and hopefully less). Let us continue to pray for the penultimate freedom and acquittal of our beloved Sen. Bong Revilla Jr.,” ang update ni Ilagan tungkol sa plunder case ni Revilla.
Itinakda ng 8:30 am ang hearing sa kaso ni Revilla, pero na-reset ito ng 1:30 p.m. dahil wala ang tatlong justices na kailangan para magkaroon ng quorum.
Ang supportive wife ni Revilla, si Bacoor City Mayor Lani Mercado, ang kasama niya sa Sandiganbayan First Division.
Nagmistulang satellite office ng Bacoor City ang Sandiganbayan dahil para hindi masayang ang oras, dinala ni Lani ang mga importanteng dokumento na kailangan niyang pirmahan habang naghihintay siya sa pagpapatuloy ng pagdinig sa plunder case laban sa kanyang asawa.